Ebanghelyo: Lc 14: 15-24
Nang marinig ito ng isa sa mga kasalo, sinabi niya kay Jesus: “Mapalad ang makakasalo sa bangkete ng kaharian ng Diyos!” Sumagot si Jesus: “May isang taong naghanda ng isang malaking bangkete at marami siyang kinumbida. Sa oras ng handaan, pinapunta niya ang kanyang katulong para sabihin sa mga imbitado: ‘Tayo na’t handa na ang lahat.’ Ngunit parang sabaysabay namang nagdahilan ang lahat. Sinabi ng una: ‘Bumili ako ng bukid at kailangan kong pumunta para tingnan iyon. Pasensya ka na.’ Sinabi naman ng isa: ‘Bumili ako ng limang pares na bakang pang-araro at pasusubukan ko ang mga ito. Pasensya ka na’ Sinabi ng isa pa: ‘Bagong kasal ako kaya hindi ako makakapunta.’ Pagbalik ng katulong, ibinalita niya ang lahat ng ito sa kanyang panginoon. Galit na galit ang maysambahayan at sinabi sa kanyang katulong: ‘Pumunta ka agad sa mga liwasan at mga lansangan ng lunsod, at papasukin mo rito ang mga dukha, mga balewala, mga bulag at mga pilay.’ At pagkatapos ay sinabi ng katulong: ‘Nagawa na ang ipinag-utos mo at may lugar pa rin.’ Sumagot sa kanya ang panginoon:
‘Lumabas ka sa mga daan at mga bakuran at pilitin mong pumasok ang mga tao para mapuno ang bahay ko. Sapagkat sinasabi ko sa inyo: walang sinuman sa mga ginoong iyon na kinumbida ko ang makatitikim ng aking handa’.”
Pagninilay
Ang ebanghelyo ngayon ay tungkol sa Talinhaga ng Dakilang Piging, kung saan ang isang lalaki ay nagpalano ng isang malaking piging at nagpadala ng mga imbitasyon para dumalo rito. Gayun pa man, ang mga naimbitahan ay isa-isang nagbigay ng dahilan kung bakit hindi sila makadadalo. Nang mabatid ito ng lalaki, siya ay nagalit kaya inutusan ang kanyang lingkod na pumunta sa mga lansangan at looban upang imbitahin ang mga dukha, mga pilay at mga bulag. Nang makapangimbita na, nakita nilang may lugar pa. Kaya inutusan muli ng lalaki na lumabas ang kanyang utusan sa mga daan at mga bakuran at pilitin ang mga tao na pumasok sa kanyang tahanan. Ang alok na kaligtasan ni Jesus ay binuksan para sa lahat, una itong inialok sa mga Hudyo ngunit nakakalungkot isipin na ito’y kanilang tinanggihan. Nang kanilang tanggihan ay ibinahagi at binuksan ang paanyaya sa mga Hentil. Ang Kaharian ng Diyos ay bukas para sa lahat ng sumasampalataya kay Jesus at anumang pagpili o pagpapasya ay nakasalalaysay sa atin. Pero may paalala sa atin: “walang sinuman sa mga ginoong iyon na kinumbida ko ang makatitikim ng aking handa.” Ikaw, pupunta ka ba o tatanggihan mo ang alok na imbitasyon sa iyo ng Panginoon?
© Copyright Pang Araw-araw 2024