Ebanghelyo: Lucas 16:9-15
Kaya sinasabi ko sa inyo: gamitin ninyo ang di-matuwid na Perang-diyos para magkaroon ng mga kaibigan para sa pagkaubos nito’y tanggapin naman nila kayo sa walang hanggang mga tahanan.
Ang mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaki, at ang di mapagkakatiwalaan sa maliliit ay di rin mapagkakatiwalaan sa malalaki. Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa di-matuwid na pera, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa mga bagay na hindi talaga sa inyo, sino pa kaya ang magbibigay sa inyo ng talagang inyo?
Walang katulong na makapagsisilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian niya ang isa at mamahalin naman ang isa pa, o magiging matapat sa isa at mapababayaan ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.”
Naririnig ng mga Pariseo ang lahat ng ito. Sakim sila kaya pinagtatawanan nila siya. At sinabi ni Jesus sa kanila: “Ginagawa ninyo ang lahat para magmukhang mabuti sa paningin ng mga tao ngunit alam ng Diyos ang inyong mga puso. At kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang mataas sa mga tao.”
Pagninilay
Ang naglilingkod sa pera at ipinagpapalit ang Diyos sa pera, sa malao’t madali ay mabibigo at mapapahamak. Mapanlinglang ang pera. Baliw ang naniniwala na mabibili ng pera ang lahat. Kung ganun, ang mga mayayaman ay hindi na sana nag-aaral para matuto. Hindi nabibili ng pera ang kakayahan na magbasa, sumulat, magkwenta. Hindi rin nabibili ng pera ang kabutihang asal at mabuting pag-uugali. Kung masama ang ugali hindi rin mabibili ang tunay na mga kaibigan. Sa wakas, hindi rin mabibili ng pera ang haba ng buhay pagkat ito ay hawak ng Diyos.
Sa kabilang dako, napakabait ng Diyos. Siya ang nagpasiya na isilang tayo rito sa daigdig. Siya ang nagpalaki sa atin, ginamit lang ang mga magulang pero ang Diyos ang nagbigay sa atin sa kanila. Diyos ang nagbibigay ng kalusugan upang tayo ay makapag-trabaho. Sa Kanya galing ang init ng araw, ang ulan, ang dagat na pinanggagalingan ng mga isda. Sa tuwing tayo ay natutulog ang Diyos ang nagbabantay sa atin upang sa kinabukasan tayo ay gigising at babangon. Lahat ay galing sa Diyos. Bakit pa Siya ipagpapalit sa pera? Isa itong kahangalan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022