Ebanghelyo: Lucas 15:1-10
Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Tinatanggap niyan ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila:
“Kung may sandaang tupa ang isa sa inyo at mawala ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang para hanapin ang nawawala hanggang matagpuan niya ito? At Pagbubunyag natagpuan ito’y masaya niya itong pinapasan sa balikat, at pagdating sa bahay ay tatawagin niya ang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko na ang nawawala kong tupa.’ Sinasabi ko sa inyo: magkakaroon din ng higit na kagalakan sa langit para sa isang makasalanang nagsisisi kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na di nangangailangan ng pagsisisi.
Kung may sampung baryang pilak ang isang babae at nawala ang isa sa mga ito, hindi ba siya magsisindi ng ilaw, magwawalis sa bahay at hahanaping mabuti hanggang matagpuan ito? At pagkakita rito’y tatawagin ang mga kaibigang babae at mga kapitbahay: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko ang nawawala kong baryang pilak.’ Sinasabi ko sa inyo na ganito rin sa mga anghel ng Diyos, magkakaroon ng kagalakan para sa isang makasalanang nagsisisi.”
Pagninilay
Ayon kay Pope Francis, “ang bagong pangalan ng Diyos ay Habag.” Dahil sa habag na ito si Jesus ay naging malapit sa mga makasalanan at mga maniningil ng buwis – ang mga tao na hinuhusgahan sa lipunan. Sa dalawang talinghagang ito ng nawala na tupa at ang nawalang salaping pilak, ipinakita ni Jesus kung sino ang Diyos na dapat nating tanggapin at paniwalaan. Dito nilalarawan ang isang ama na nagmamahal sa lahat at nagpapakita ng malaking habag sa mga makasalanan at handang ihandog ang kanyang kapatawaran sa nagsisisi. Isang Ama na naghahanap sa kanyang nawalang anak at gumagawa ng paraan upang matagpuan ito. Isang ama na mapagpasensya at hindi agad nagpaparusa anuman ang naging kasalanan ngunit binibigyan niya ng bawat pagkakataon upang magbago. Isang ama na nais din na ang kanyang anak ay tumugon sa kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng pamumuhay na may pagmamahal sa kanyang sarili at lalo na sa kanyang kapwa tao.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021