Ebanghelyo: Lucas 14:25-33
Habang naglalakad ang napakaraming tao na kasama ni Jesus, humarap siya sa kanila at sinabi: “Kung may dumating sa akin na di nagtatakwil sa pag-ibig sa kanyang ama at ina, at asawa at mga anak, at mga kapatid na lalaki at babae, at maging sa kanyang sarili, hindi siya puwedeng maging alagad ko. At hindi puwedeng maging alagad ko ang di nagpapasan ng kanyang krus sa pagsunod sa akin.
At paano kung may magbalak magtayo ng silungan ng bantay sa bukid? Di ba’t uupo muna siya at tatantyahin ang gastos para malaman kung may sapat siya para maipatapos iyon? Sapagkat kung mailagay niya ang pundasyon at hindi naman niya iyon maipatapos, pagtatawanan lamang siya ng lahat: ‘Hayan ang nagsimulang magtayo at hindi na maipatapos.’
At paano kung may haring makikipagharap sa ibang hari? Di ba’t uupo muna siya para mag-isip kung kaya niya at ng sampung libong kasama niya na harapin ang dumarating na may dalawampung libo? At kung hindi naman, malayo pa ang isa ay magpapadala na siya ng mga sugo para makipagareglo. Gayon din sa inyo. Hindi puwedeng maging alagad ko ang di tumatalikod sa lahat ng kanya.
Pagninilay
Paminsan-minsan, habang ipinagpapatuloy namin ang aming misyon dito sa Mindanao, nakatatanggap kami ng mga “pag-alerto” na balita, nangangahulugang kailangan naming magmasid at maging maingat sa anumang pwedeng mangyari. Tatlo kami rito sa parokya at minsan pinag-uusapan namin kung ano ang aming gagawin kung may “makidnap” sa amin. Sabi ng isa kung kasama, “sasama ako,” tugon ko naman “ayaw kong sumama,” yung isa ang sabi niya, “palitan natin ang paksa.” Kung hindi dahil sa pagmamahal at pagsunod kay Jesus bakit tayo papasok sa buhay na ito. Dahil sa pag-ibig na ito, nagpapatuloy pa rin kami sa kabila ng katotohanan na marami na ang nauna sa amin na kinidnap at pinatay dahil sila ay mga Kristiyano. Nauna na naming sinabi sa aming pamilya na mahal namin sila, ngunit ito ang tawag ng aming misyon at dapat kaming magtiwala na itataguyod kami ng Panginoon, kung paano niya rin kakalingain ang aming pamilya. Anuman ang mangyayari sa hinaharap, batid naming naririyan at gumagabay sa amin ang Panginoon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021