Ebanghelyo: Juan 6:37-40
Lalapit sa akin ang bawat ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko ipagtatabuyan sa labas ang lumalapit sa akin. Sapagkat pumanaog ako mula sa Langit hindi para gawin ang aking kalooban kundi ang kalooban ng nagpadala sa akin.
Ito ang kalooban ng nagpadala sa akin: na huwag kong pabayaang mawala ang bawat ibinigay Niya sa akin; sa halip ay itatayo ko ito sa huling araw. Ito nga ang kalooban ng Ama ko: magkakaroon ng buhay magpakailanman ang bawat pumapansin sa Anak at nananalig sa Kanya, at itatayo ko Siya sa huling araw.”
Pagninilay
Binibisita natin ang mga libingan ng ating mga mahal sa buhay dahil minamahal pa rin natin sila hanggang ngayon. Ito ang kanilang araw. Naaalala natin ang kanilang mabubuting gawa, kasama na ang kanilang mga salita na nakatulong sa paghubog ng ating pagkatao. Kung mahal din natin sila, maaari tayong humiling at ipanalangin sa Panginoon na sila ay magkaroon ng kapahingahan at ang lahat ng kanilang mga kasalanan ay patawarin na. Sila ay minahal din ng Panginoon. Maliban sa pagbibigay sa kanila ng buhay sa mundong ito, ninais din Niyang makasama sila magpakailanman dahil nangako siyang itataas ang ating mga katawan sa huling araw (Juan 6:39). Kaya ngayon ang panahon upang pagnilayan ang ating buhay kung gaano tayo kahanda sa araw na makasama na natin ang Panginoon. Manatili tayong nabubuhay na may pag-ibig sa ating puso at kalooban.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021