Ebanghelyo: Juan 6:37-40
Lalapit sa akin ang bawat ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko ipagtatabuyan sa labas ang lumalapit sa akin. Sapagkat pumanaog ako mula sa Langit hindi para gawin ang aking kalooban kundi ang kalooban ng nagpadala sa akin. Ito ang kalooban ng nagpadala sa akin: na huwag kong pabayaang mawala ang bawat ibinigay niya sa akin; sa halip ay itatayo ko ito sa huling araw. Ito nga ang kalooban ng Ama ko: magkakaroon ng buhay magpakailanman ang bawat pumapansin sa Anak at nananalig sa kanya, at itatayo ko siya sa huling araw.”
Pagninilay
Binibigyan diin ang patuloy na pangangalaga ni Jesus sa kanyang mga alagad sa ebanghelyo. Sa kanyang huling panalangin (Juan 17), hiniling niya sa Ama na bantayan at pangalagaan ang kanyang mga kaibigan. Tanda ko pa ang nangyaring protesta ng mga kabataan sa Nicaragua upang ipahayag ang kanilang ‘di pagsangayon sa ‘di makatarungang reporma ng gobyerno noong Abril 2018. Ang mapayapang protesta ay nauwi sa karahasan nang sila’y walang hamak na pinagbabaril ng mga kapulisan. Binuksan ng kura-paroko ang simbahan upang pangalagaan ang mga tao. Dahil dito, sila’y naligtas sa mas malalang kapahamakan. Salamat Panginoon!
© Copyright Pang Araw-Araw 2020