by Fr. Larry Miranda, CMF
Isa sa mga katangian dapat ng isang misyonero ay ang pagiging “lakwatsero”. Kami ni Fr. Kinz, ang aking kura paroko at kapwa Misyonerong Klaresyano dito sa Tungawan, pastime na ata namin ang pagakyat sa bundok, di lan g para magmisa, kundi para mag”lakwatsa”. Wala kasing Starbucks dito. Malayo din ang Jollibee, andun sa Ipil. Walang The Fort, Eastwood, Bangkok. Wala ding Bistado, Gaisano Mall. Wala ring Paseo del Mar, Catribu… pero wag ka..may Dacon kami. hehehe.
Ang Dacon ang huling kapilya namin sa border ng Zamboanga City at Zamboanga del Norte. Noong huling punta ko noong nakaraang linggo inabot ko ang Guban, Zamboanga del Norte at nakilala ko, nakausap at nakaharap sa isang simpleng tasa ng kape ang pinakamataas na opisyal ng kumpanya. Si Mr. Ulysses Kho. Mabait. Narating ko yun kasi nga “lakwatsa”. Curious ako ano itsura ng Guban, Sirawai.
Pero sa tuwing aakyat ako ng Dacon, lagi akong napapalingon sa isang dampa sa tabi ng daan malapit na sa barangay site. Kakaiba sya.
Magisa lang syang nakatayo (o nakalupaypay?) sa gitna ng kakahuyan. Napakaliit. Butas butas na nipa na bubong. Pagsumandal ka sa sawaling dingding..hehe..ingat ka. Baka kasi malaglag na to o matangay pa ng damit mo (lalo na kung branded), kasi malambot na mga to. malamig ang Dacon. Nasa tuktok ng bundok. Kita sa daan ang loob ng bahay. Baga pa kita na ang kaluluwa, dahil ang ilang bahagi ng dingding, bumagsak na.
Hindi ang bahay ang nakakatawag pansin sa akin doon, kundi ang 3 bata na naglalaro palagi doon. Pinakapanganay ay lalaki, 10 years old. Babae ang susunod, 7, at ang bunso, 4 years old. (Siguro ok na ang tatlong anak, kasi pag sinabi kong 5 ang anak tulad dun sa Mosum, baka birahan ulit ako ng linyang “Kasi di umaayon ang simbahan sa contraceptives, kaya ayan andaming mga anak. hahaha. May bumira kaya sa aking ganyan… di nyo lang alam. Pero ayos lang. Di naman sya dukha…mayaman nga e. At sa ibang pagkakataon na ako kakasa sa mga condom condom at pills pills na yan)… Balik tayo sa kwento ko. Hahaha. Exciting ba?
Bago ako umakyat noong nagdaang linggod dun, humingi ako ilang damit pambata kay Ate Gemma Tayag dito sa Tungawan. Salamat ‘te. At since may ilang kilong bigas na alay ang 2 pang kapilya na aking minisahan na bago pa tumuloy Dacon, dagdag neto ang 2 plastic ng tinapay, sabi ko sa sarili ko, may iaabot kami sa mga bata. Pero nagtaka ako dahil pagdaan ko doon, wala ang 3 bata. Bumaba ako motor para tingnan bahay. Alaws talaga. So, tumuloy na lang kami.
Minsan nakakatuwa mga tinatawag nating “coincidences” sa buhay natin… o sadyang iginuguhit ata ng Diyos ang bawat minuto ng ating buhay. Dala dala pa namin pasalubong sana sa mga bata. Iiwan ko na sana sa bahay kasi uuwi naman mga yun, pero nagdalawang isip ako kasi baka kainin ng hayup o kunin ng ibang dumadaan. Pero may isa pang dahilan bat gusto ko na iwan. Mabigat sa bag. Masakit na katawan ko. Nakakapagod. Ikaw kaya.
Sa patuloy na pagtakbo ng motor namin, nagawi ang mga gulong neto sa pangpang mismo ng bangin na aming dinadaanan. Di ako madalas tumitingin dun kasi nakakahilo, pero sa sandaling yun, palubog na araw (sa Dacon kami natulog) tumingin ako sa baba ng bangin. Toinkz. Andun yung 3 bata. Coincidence? Malay ko? Ewan ko.
Nakaupo magkatabi yung dalawang batang babae sa tabi ng maliit na waterfalls, samantalang namimingwit ng maliliit na isda ang kuya. Ulam. Ikaw? Kelan ka ba huling “namingwit ng isda para may maiulam kapatid mo”? Kelan ka ba huling tumingin, umupo at nagbantay sa “pangingisda ng Diyos”?
Tinawag ko sila. Pasigaw kasi malayo. Gulat mga bata na parang ayaw lumapit. Di naman nila ako kilala. Di nga ako tinawag na father. Uncle ang tawag. Sosyal, nasa gubat ako, tapos bigla akong nagka nephew and nieces. Astig hahaha.
Nung nakita nilang may dala dala kaming supot, di magkandaugaga sa pagakyat sa bangin ang 3. Ganun talaga ata ang tao. Sa anggulong positibo, tinatawag na ng Diyos minsan, ayaw pang lumapit hanggat di nagigising sa katotohanang wala sa “waterfalls at ilog” ang biyaya, kundi nasa kamay ng Diyos. Sa anggulong negatibo, parang politika din yan sa Pinas. Pagtatakbo kang kandidato sa eleksyon, never kang mananalo pag wala kang pera. Pero oras pinakitaan mo ng “supot at sobre” ang tao, sure pare…winner ka. Dahil pag di mo rin binoto lalo na at natalo, at tinanggap mo ang supot at sobre… heheh…tigbak ka! Kahit na kadalasan, ang laman ng supot ay ahas, at ang laman ng sobre ay abo.
Binigay namin ang damit, bigas at tinapay at karipas sa takbo ang 3 pabalik sa bahay nila. Bat nga naman babalik pa sila dun sa bangin at mangisda sa takipsilim, e may isasaing na sila sa gabing yun. Alam ko nasa isip mo… heheh, walang ulam. May talbos ng kamote akong nakita sa gilid ng bahay nila, ok na yun. Kami nga ni Fr. Ric nabuhay sa talbos ng papaya sa Timor. hahaha. Wag kang mag-alala, di sila gugutumin ng Diyos sa gabing yun. Kung ikaw nga, wala sa gubat, kahit mahirap ang buhay never kang nagutom talaga. Minsan nga maarte ka pa sa ulam.
Siyanga pala, di pa dumadating nanay at tatay nila nung dumaan kami. Nagtatrabaho pa sa plantasyon. Di rin sila nag-aaral. Araw araw ganito sila. Tunog ng gubat ang naririnig. Bangin ang playground. Lalaki silang mangmang at patuloy na aakitin ng “supot at sobre” ng dilaw, pula, orange, berde at iba pang kulay na umaakyat sa entablado at nakikita sa mga poster. Sa gabi na yun nung natulog ako sa Dacon… NAKIPAGTALO AKO SA DIYOS.