May-pahintulat na salin ng artikulo ni Koronel Dencio Severo Acop (Ret), PhD, CPP, AMBCI
isinalin sa Filipino ni Abraham de la Torre
BIGLANG TUMIGIL ANG mundo. Ilang linggo lang ang nakaraan, tila hindi ito maaaring mangyari kahit kailan. Ngunit nangyayari na. Hindi lamang sa ilang lunsod o bansa, kundi sa buong mundo mismo. Ano ang nangyari? Ano ang nangyayari? Saan magwawakas ang lahat ng ito? Abala tayo sa ating trabaho. Kabuhayan. Pamilya. Mga lakad. Pagdiriwang. Libangan. Maging katamaran. Marami ang naglunoy sa tagumpay na bigay ng materyalismo kasama ang lahat ng luho na nabibili ng salapi. Ilan ay tila nalango sa kapangyarihang kasabay ng mga karangalang mula sa pribilehiyo. Kapangyarihang hindi lamang nasa mga indibidwal kundi sa mga bansa at organisasyon din. Samantalang ang malaking bilang ay patuloy, hanggang sa araw na ito, sa pamumuhay sa nakalulunos na kahirapan. Ngayon, tayo ay sakmal ng takot, pag-aalala, pangamba, lungkot at kamatayan. Lahat tayo. Mayaman o mahirap. Bata o matanda. Makapangyarihan o hindi. Naniniwala o hindi. Lahat ay nakakulong. Ano, kung gayon, ang nasa loob ng puso at isip natin, ngayong tayo ay naka-kwarantina? Palagay ko’y merong ilan. Isa: May kapangyarihang higit sa atin ang iginigiit ang sarili at halos wala tayong magawa tungkol dito. Dalawa: Ang ating di-pagkakapantay-pantay ay inagaw sa atin ng kapangyarihang ito tungo sa pagkakapantay-pantay. Tatlo: Natuklasan natin na tayong lahat ay nasa bingit ng kamatayan. Apat: Sa harap ng magaganap na pagkapuksa, ang mga tao ay nananalanging muli. Lima: May kaligtasan sa kabila ng katapusan ng mundo. At panghuli: Ang pagiging hindi permanente ng kalagayan ng tao ay magpapatuloy.
Sa kanyang panayam sa Technology, Entertainment and Design (TED), pinangunahan ni Bill Gates ang Coronavirus Pandemic. Ilang linggo lang mula rito, akala natin ay alam na natin ang lahat ng dapat malaman at meron tayong solusyon sa bawat problema. Ngunit ngayon, isang pandemic na dala ng coronavirus ang sumalakay sa atin at wala ni isa man ang may solusyon. Ni isa man sa buong mundo. Inaasahang magkakaroon, subalit sa ngayon, wala. Nagkaroon tayo ng pagkakataon limang taon na ang nakararaan nang binalaan tayo ni Bill Gates ngunit walang nakinig. Kaya, huli na tayo sa paghabol sa bus ng solusyon dito. Sa ngayon, meron lang tayong lubos na kalagayang kawalang-kalaban-laban. Paano tayo umabot dito? Sa kabila ng ating talino? Kung ang pag-alis ng lahat ng sagabal sa pagpapakawala natin ng ating buong potensyal ay magkakaloob sa atin ng pinakamatayog na kabutihan, ano’t hindi namalayan ng ating magagaling na utak at magkakasamang talento ang pandaigdigang pannganib na ito? Kung, sa mga dekadang nagdaan, nagawa nating labanan ang mga dayuhang panunupil, bakit natin hindi napansin ang isang panganib na mas malagim? Isang panganib na ang uri ay nangyari na noon? Hindi ba natin napuna ang puntirya? O nasingitan tayo ng ibang motibo na mas nakasisiya sa sarili kaysa kaya nating aminin? Hindi kaya ang mga paraang ipinasiya nating gamitin ay merong kita at kapangyarihang higit na mahalaga kaysa ikabubuti ng marami? Sabagay, hindi na mahalaga yan ngayon. Ang mga lumang paraan ay ginawa nang walang silbi ng coronavirus. Wala na sila.
Ang ating di-pagkakapantay-pantay ay inagaw sa atin ng coronavirus tungo sa pagkakapantay-pantay. Sa mundo ngayon, makikilala tayo sa pagiging hindi pantay-pantay. Ang mayayaman at ang mahihirap. Ang makapangyarihan at ang walang laban. Ang magandang buhay at ang naghihirap. Ang kagalang-galang at ang walang pangalan. Kailangan ang coronavirus upang gisingin tayo mula sa ganitong ilusyon. Bigla, magkakapareho na tayo. Ang istraktura ng buhay na binuo natin para sa sarili ay biglang nabago. At bago natin isipin na isang dayuhang lakas ang nagdala ng sumpa sa atin, alalahanin na ang virus ay kagagawan lang ng tao. At bago mangaral ang mga naniniwala na ipinadala ng Diyos ang virus upang parusahan ang mga makasalanan, alamin na hindi Diyos ang pinagmulan ng masama kundi hinayaan Niyang mangyari ito upang mamayani ang nakararaming buti. Anu’t-anuman, ipinapaalala lang ng pandaigdigang panganib na ang sangkatauhan ay isang kolektibong katawan lang. Magkakapareho tayo bilang pamilya at ang panganib sa isang miyembro ay panganib sa lahat. Hindi ba’t itinuro na ito ng Diyos? Ang magmahalan ang lahat bilang magkakapatid sa pagsunod sa Amang mapagkaloob na ang ibig lamang ay ang pinakamahalaga sa bawat isa sa Kanyang mga anak. Ito yata ang nakalimutan ng mundo bago nangyari ang virus.
Walang masama sa pagiging mayaman. Kung inaalagaan ng mayaman ang mahirap. Walang masama sa pagiging makapangyarihan. Kung inaalagaan ng makapangyarihan ang walang laban. Walang masama sa paghanap ng kasiyahan. Kung ang kasiyahan ay hindi ang katapusan. Walang masama sa karangalan. Kung ang karangalan ay hindi isang diyos ng kanyang sarili na humahalili sa Nag-iisang Tunay na Diyos.
Alam natin na tayong lahat ay nasa bingit ng kamatayan. Sa marami sa atin, hindi ito katanggap-tanggap. Hindi pa tayo handang mamatay. Sa natural na kalagayan natin, ayaw nating mamatay. Masyado na tayong nakakapit sa mundo. Ayaw nating iwan ito. Paano ang ating mga asawa? Mga anak? Apo? Magulang? Kapatid? Kamag-anak? Kaibigan? Mga listahan? Ng mga hindi pa nagagawa/natatapos. Takot tayong mamatay. Karamihan sa atin hindi alam kung ano ang nasa dako pa roon ng kamatayan. Kahit alam natin, sakmal pa rin ng takot ang ating puso. Paano natin maiisip man lang ang kamatayan? Ito ay isang bagay na lagi nating iniiwasang pag-usapan. Gaya ng karamihan, masyado akong takot sa kamatayan. Nakuha ko lang siyang harapin nang mamatay ang aking asawa, dalawang taon na mula ngayon. At sa pagmasid sa kanyang pagkupas bago ang dalawang taon na iyon habang inaalagaan ko siya. Pinanliliit tayo ng kamatayan. Ginigising nito tayo sa ating kamanhiran. Pinapaalalahanan tayo ng sarili nating mortalidad, inoobliga tayong alamin kung ano ang pinakamahalaga sa buhay. Kung meron mang mababaon sa pandemic na ito, ito yon. Bigla tayong binago ng kamatayan. Marubdob kong pag-asa na baguhing bigla ng kamatayan hindi lang ang ilan sa atin kundi ang buong sangkatauhan. Hindi ba’t itinuro rin ito ng Diyos sa atin? Bilang Diyos, namatay rin Siya. Hindi ba’t ito ang pinakamalaking pangontra sa ating mga takot nang higit pa sa virus? Ang mamatay sa ating sarili upang mabuhay tayo sa huli.
Sa harap ng banta ng sukdulang pagkapuksa, nagdarasal na naman ang mga tao. Sa kawalang-pag-asa at kawalan, kahit nasa rurok ng kanyang mga napagtagumpayan, tahimik na naaalala ng tao ang kanyang Diyos. Hindi dahil sa nawala ang Diyos at bigla na lang sumulpot. Ang totoo, lagi Siyang naririto simula pa lamang ng pagsilang ng tao. Sapagkat paanong mawawala ang Pagiging Esensya? Nagdududa lang ang tao sa kanyang Diyos dahil hindi niya Siya nakikita. Pero, sa katunayan, nakikita niya Siya. Sa kanyang kapwa. Sa nagkatawang-taong Anak ng Diyos na nagturo at nagsabuhay nito. Mula sa walang hanggang ingay, dinala tayo sa katahimikan. ‘Huminto at alamin na Ako ang Diyos’, isinulat ni Propeta Isaias. Sa pagkamit ng ating mga makamundong pangarap, unti-unti tayong humiwalay sa ating totong sarili. Nakakahon, nasalubong natin ang katahimikan at muling natuklasan ang Diyos, ang ating tunay na identidad. Sa wakas ay kinilala naatin ang Kapangyarihang laging naririto ngunit nakakawala sa atin. Na Siya mismong lumikha sa atin. Natuklasan natin na ang pagbabalik sa Kanya ang siyang daan palabas sa ating takot, lungkot, at kamatayan. Maging sa praktikal na paraan, panalo ang Diyos, wala tayong laban. Sa tingin ko, may dalawang pagpipilian ang tao. Isa: Makasama ang Diyos. Dalawa: Mag-isa. Pinagsasama ng una ang pinakamagandang maaaring gawin ng tao sa kanya at ang magagawa ng Diyos sa kanya. Sa huli, sarili lang niya ang makakasama ng tao at ang kanyang mga diyos-diyosan. Ang totoong makapagbabago lang ng ganitong katayuan ay ang Pagkabuhay na Mag-uli, kung saan kahit mamatay ang tao, mabubuhay siyang muli. Sa pamamagitan ni Kristo, at sa pamamagitan Niya lamang.
May kaligtasan sa kabila ng kalagiman. Maaaring may malaking kawalang-katiyakan sa ngayon, ngunit mawawala rin ang virus pagdating ng panahon. Kahit ang kasalukuyang katayuan ay naituro na ni Kristo. Tanging ang mabuti lamang ang totoo. Nabubuhay lang ang masama sa kabutihan. Umiiral lang ang virus dahil sa tao. Ang pagbabalik niya sa Diyos, ang Lumikha sa kanya, ang gagamot sa tao. Tulad ng pinalakas na imunidad, higit na mahaharap ng ginamot na sangkatauhan, at sa huli’y magagapi nito, ang panganib. Maliligltas ang mundo, o ang matitira rito. Muli, dadalhin ng Diyos ang Kanyang mga anak mula sa pook ng mga patay patungo sa lugar ng mga buhay. Muli Niya silang paalalahanan kung paano mabuhay at umiwas sa mga patibong na lagi nilang kinahuhulugan. Muli Niyang tuturuan ang tao na magkaisa sa pagtulong nang komo kapatid sa kapatid. Ipapaalala Niya sa ating mabuhay at hayaang mabuhay ang kapwa. Ibubulong Niya sa ating tenga ang ‘kabutihan ng karamihan,’ at ‘mahalin ang kapitbahay’ sa ating puso. Babatiin Niya tayo ng ‘Kapayapaan’ bilang tugon sa ating mga pag-asam palayo sa takot, pag-aalala, lungkot, at kamatayan. Dahil walang nananatiling gaya ng dati pagkatapos makaniig ang Diyos, ang Walang-Katapusang Manggagamot.
Gayunman, magpapatuloy ang pagiging hindi permanente ng kalagayan ng tao. Hindi pa man nasusugpo ang pandemic ay muling lilitaw ang pagkabasag ng tao. Idineklara ng Pinuno ng United Nations na wala nang kawawaan ang giyera dahil sa Covid-19 subalit patuloy pa rin ang Tsina, ang pinagmulan ng pandemic, sa pagporma, nangangamkam ng mga isla sa South China Sea. Nakikita ba natin dito ang kaugnayan ng mga kahalagahang moral, o ang kawalan nito, at kung saan patungo ang tadhana ng tao? Napapansin na ang pwersang nagbababalang hindi kayang pigilan ng kahit Covid-19 ang mga tukso palayo sa pagkabasag ng tao. Kailan matututo ang mga dambuhala sa lupa na kailanman ay walang laban ang kanilang kagustuhan sa Kalooban ng Maykapal? Laluna Siyang ayaw nilang kilalanin. Kahit ang dakilang si Sun Tzu ay matututo. Na ang Dakilang Maylikha ang may huling salita. Gaya ng akmang sabi ni Santa Teresa ng Avila: ‘Lilipas ang lahat; hindi magbabago ang Diyos.’ Kapag muling tumigas ang puso ng Kanyang mga nilalang, maaaring magpadala uli ang Manlilikha ng isa pang panggagamot gaya ng ginamot Niya sila sa coronavirus sa pamamagitan ng Kanyang koronang tinik noong Kwaresma.