Ebanghelyo: Juan 20:19-23
Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: “Kapayapaan sa inyo!” Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon. At muli niyang sinabi sa kanila: “Kapayapaan sa inyo! Kung paanong isinugo ako ng Ama, ipinadadala ko rin kayo.” At pagkasabi nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patatawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at pananatiliin naman sa sinuman ang inyong panatiliin.”
Pagninilay
“Emmanuel,” ibig sabihin ang Diyos ay kasama natin. At hindi tayo binigo ni Jesus sa pagpapatunay na siya nga ang Emmanuel na pinadala ng Diyos, dahil hindi siya nakalimot sa atin; dahil siya ay nanatiling kasama natin. Sa araw na ito, si Jesus ay nagsabing ibibigay at iiwan niya ang Espiritu para gabayan tayo. Ang pagmamahal ng Ama ay hindi lamang ipinakita at ipinadama sa pagbibigay ng kanyang bugtong na Anak. Pinamalas din ito sa pagpapadala ng Banal na Espiritu upang alagaan at patnubayan tayo. Ang presensya ng Banal na Espiritu ay tanda ng dakila at walang hanggang pag-ibig ng Diyos sa atin. Dito inihabilin ni Kristo ang kanyang mga apostol at sa kanyang Simbahan ang karapatang magpatawad sa iba. Ang pagpapadala ng Banal na Espiritu ay palatandaan ng pagsilang ng ‘Simbahan ni Kristo.’
© Copyright Pang Araw-Araw 2020