Ebanghelyo: Juan 21:20-25
Paglingon ni Pedro, nakita niyang sumusunod ang alagad na mahal ni Jesus, na siyang humilig sa tabi niya noong hapunan at nagsabing: “Panginoon, sino ba ang magkakanulo sa iyo?” Kaya pagkakita rito ni Pedro, sinabi niya kay Jesus: “Panginoon, ano naman sa kanya?” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Kung loobin kong mamalagi siya hanggang ako’y pumarito, ano sa ’yo? Ikaw, sumunod ka sa akin!” Dahil dito’y kumalat ang salitang ito sa mga kapatid na hindi mamamatay ang alagad na ito pero hindi naman sinasabi sa kanya ni Jesus na hindi siya mamamatay kundi “Kung loobin kong mamalagi siya hanggang ako’y pumarito.” Ito ang alagad na siyang nagpapatunay tungkol sa mga bagay na ito at ang sumulat sa mga ito. At alam namin na totoo ang kanyang patunay. Marami pa ring ibang ginawa si Jesus, na kung isa-isang masusulat ang mga iyon, sa tantiya ko’y hindi magkakasya sa mundo ang isusulat na mga aklat.
Pagninilay
Ang patunay ng pagmamahal ni Juan ay pagkakaroon niya ng pagkakataon na buong pusong tanggapin ang grasya ng Diyos na siya’y mabubuhay ng matagal kumpara sa ibang mga apostol. Ipinakita ng mahal na alagad kung paano niya kamahal si Jesus at siya ay handang makasama ang maestro o guro na hindi nagawa ng mga ibang alagad. Pinakita ni Juan ang pagmamahal kay Jesus nang pinili niyang manatili sa tabi nito. Sa ating buhay, may mga pagkakataon na hindi sapat na sabihin lang nating ang salitang, “mahal kita”. Kailangan natin itong ipadama sa pamamagitan ng pananatili sa tabi nila. Ang pananatili sa tabi ni Jesus ay isang malalim na pagpapakita ng pagmamahal. Kaya ang lahat ng nagawa ni Jesus sa buhay natin ay hindi kayang tumbasan lamang ng pagsasabi ng mahal kita, kailangan nito ng pagpapatotoo sa pagmamahal na natanggap natin galing sa kanya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020