Ebanghelyo: Juan 21:15-19
Pagkapag-almusal nila, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako nang higit sa pagmamahal nila?” Sinabi nito sa kanya: “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” Sinabi sa kanya: “Pakanin mo ang aking mga kordero.” Sinabi sa kanyang makalawa: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Sinabi nito sa kanya: “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” Sinabi sa kanya: “Ipastol ang aking mga tupa.” Sinabi sa kanyang makaitlo: “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Nalungkot na si Pedro dahil makaitlo siyang sinabihan: “Iniibig mo ba ako?” kaya sinabi niya: “Panginoon, ikaw ang nakaaalam ng lahat; alam mong iniibig kita.” Sinabi nito sa kanya: “Pakanin mo ang aking mga tupa. Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, nang bata-bata ka pa, ikaw mismo ang nagbibigkis sa iyong sarili at palakad-lakad ka saan mo man naisin. Ngunit pagtanda mo’y ididipa mo naman ang mga kamay mo, at iba ang magbibigkis sa iyo sa hindi mo nais.” Sinabi ito ni Jesus sa pagbibigay-tanda sa paraan ng kamatayang ipanluluwalhati ni Pedro sa Diyos. At pagkatapos nito ay sinabi niya: “Sumunod ka sa akin!”
Pagninilay
“Mahal kita.” Napakatamis na salitang kay daling bigkasin pero ang hirap gawin. Tayo ay hinahamon ng ebanghelyo kung gaano katotoo ang ating pag-ibig sa Diyos at sa ating kapwa. Sapat bang sabihin nating mahal kita pero hindi naman natin naipapakita sa kilos, gawi at pag-uugali? Ang tanong ni Jesus kay Pedro kung mahal ba siya nito ay hindi pagsukat kung gaano siya kamahal ni Pedro. Ito’y pagpapaalaala kung anong klaseng paghihirap at pagpapakasakit ang kanyang haharapin bilang sumusunod kay Jesus. Lubos na nagtitiwala si Jesus kay Pedro na kanyang hinabilinan na mahalin ang kanyang ‘Simbahan’. Nais ni Jesus na magtiwala si Pedro sa kanyang sarili at ipaubaya ang lahat ng kanyang gagawin sa kamay ng Diyos. Sa pagsunod natin kay Jesus ang ating pag-ibig ay parating sinusubukan at hinahamon. Ang tanong sa atin: Handa ba tayong isabuhay ang pagmamahal na ating binibigkas at ipinapangako kay Jesus; handa ba tayong tahakin ang daan ng kanyang pag-ibig?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020