Ebanghelyo: Juan 16:20-23
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, iiyak kayo at tataghoy, at magagalak naman ang mundo. Maninimdim kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong paninimdim. Naninimdim ang babaeng malapit nang manganak sapagkat sumapit na ang kanyang oras. Ngunit pagkasilang sa sanggol, dahil sa galak ay hindi na niya naaalaala ang kagipitan: isang tao ang isinilang sa mundo.
Gayon nga rin kayo naninimdim ngayon. Ngunit muli ko kayong makikita at magagalak ang inyong puso, at walang makaaagaw ng inyong kagalakan sa inyo. At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakaloob sa inyo anumang hingin ninyo sa Ama sa Ngalan ko.
Pagninilay
Nangako ang Panginoon sa isang pangitain ni Pablo. Natupad ang ipinangakong hindi sasaktan si Pablo ninuman. Sa Ebanghelyo ay ginamit naman ni Jesus ang halimbawa ng isang babaeng kagampan. Naninimdim siya’t dumating na ang oras ng kanyang panganganak. Kahit anong hirap ang pagdaanan ng babaeng nanganganak, maglalahong lahat ito at mapapalitan ng kagalakan sa sanggol na isinilang.
Hindi maiiwasan nang ganap ang sakit at paghihirap sa buhay. Lahat ay nakadaranas nito, mahirap man o mayaman. Para bang itina-laga ng kalikasan na maging mati-bay na pundasyon ang pagpupu-punyagi para sa anumang tunay na tagumpay o katuparan ng ating pinagsisikapan. Madaling lumipas ang kasiyahan sa anong bagay na hindi pinagsikapan.
Higit sa kahit anumang kagala-kan ang ipinapangako ni Jesus. Ito’y kagalakang hindi maagaw ninuman. Ito’y kagalakan ng pagsilay sa mukha ng Siyang matagal nating pinanabi-kan dahil naranasa’t napatunayan natin ang Kanyang katapatan sa lahat Niyang ipinangako. “Ipagkaka-loob sa inyo anumang hilingin ninyo sa Ama sa Ngalan ko.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2022