Ebanghelyo: Juan 16:12-15
Marami pa sana akong sasabihin sa inyo pero hindi ninyo masasakyan ngayon. Ngunit pagdating niya, ang Espiritu ng katotohanan, ihahatid niya kayo sa buong katotohanan.
Hindi siya mangungusap mula sa ganang sarili kundi ang naririnig niya ang ipangungusap niya at ang mga bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo. Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo, at sa gayon niya ako luluwalhatiin. Akin ang tanang sa Ama. Dahil dito kaya ko sinabing ‘Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo.’
Pagninilay
Ngayon ay kapistahan ng isang mongha ng Karmelo, si Santa Maria Magdalena de Pazzi ng Flo rence (Italia). Isang tunay at ulirang Karmelita, mabuti siyang halimbawa ng pananalita ni Jesus. Ang katahimikan na nagpapabanal ay hindi tungkol sa pagpipigil ng sarili upang iwasang magsalita. Bagkus ito’y isang pagtitimbang ng halaga at kapakinabangan ng bibitawang salita. Hindi pa makabubuti sa mga alagad na malaman ang mga bagay na nais na sanang sabihin ni Jesus kaya ipinagpaliban muna Niya. May mga pananalitang hindi pa kayang tanggapin ng isang nagdadalamhati o isang lugmok sa pagkabigo. Kahit kailangang ipaalam ang katotoha-nan, ihahanap natin ito ng tamang oras at tamang paraan ng pagsasabi. Ang naturang pagtitimbang ay nakabubuti, kapwa sa nagsasalita at sa nakikinig. Tumatalas ang pagpili at pagpapasya at lumutang ang pagkahinog ng taong nakikinig sa bulong ng Espiritu Santo. Ganito marahil ang sinasaad ng Unang Pagbasa: sa Diyos tayo nabubuhay, kumikilos at umiiral. Ang pagtahimik ay mainam na pagsasanay sa paki-kinig at pakikiramdam sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022