Ebanghelyo: Marcos 10:28-31
Nagsalita naman si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo.” Sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: walang nag-iwan ng tahanan, mga kapatid, ina at ama at mga anak at mga bukid alang-alang sa akin at sa Ebanghelyo na walang gantimpala. Tatanggap nga siya ngayon ng makasandaang beses ng mga tahanan, mga kapatid, mga ina at mga anak at mga bukid sa gitna ng mga pag-uusig, at sa panahong darating nama’y makakamit niya ang buhay na walang hanggan.
May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.”
Pagninilay
“Gusto ko pong maglingkod ngunit ano po ang makukuha kong kapalit nito”? Ang pagtingin natin minsan sa paglilingkod ay parang walang ipinagkaiba sa isang trabaho. May ilan na mas binibigyang pansin nila kung ano ang makukuha nila kapalit nito. Hindi tayo pinapangakuan ng Diyos ng marangyang buhay, kayamanan o kapangyarihan. Sa ating karanasan pa nga ay mas lalong mabigat ang mga hamon ng buhay habang tayo’y lumalapit sa Diyos. Ngunit hindi mauuwi sa wala ang ating paghihirap at pagsusumikap dahil mas higit pa sa ating inaasahan ang ibibigay sa atin ng Diyos. Pagkatapos nating dalhin ang kanya-kanyang krus, ang kapalit nito ay ang buhay na walang hanggang nagmumula kay Jesus. Tapat Siya sa kanyang pangako at hindi Siya kailanman nagbibiro.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021