Ebanghelyo: Juan 17:11b-19
Amang banal, ingatan mo sila sa iyong Pangalang ibinigay mo sa akin upang maging isa sila gaya natin.
Nang kasama nila ako, iningatan ko sila sa iyong Pangalang ibinigay mo sa akin, at pinangalagaan ko sila at wala sa kanilang napahamak liban sa nagpahamak sa kanyang sarili upang maganap ang kasulatan. At ngayon, papunta ako sa iyo at sinasabi ko ang mga ito habang nasa mundo upang maganap sa kanila ang aking kagalakan.
Ibinigay ko sa kanila ang salita mo at napoot sa kanila ang mundo sapagkat hindi sila mula sa mundo gaya nang hindi ako mula sa mundo. Hindi ko ipinapakiusap na alisin mo sila sa mundo kundi pangalagaan mo sila sa masama.
Hindi sila mula sa mundo gaya nang hindi ako mula sa mundo. Pabanalin mo sila sa katotohanan. Katotohanan ang salita mo. Kagaya nang ako’y sinugo mo sa mundo, sinugo ko rin sila sa mundo. At alangalang sa kanila’y pinababanal ko ang aking salita upang pati sila’y pabanalin sa katotohanan.
Pagninilay
Tungkol sa panalangin bilang pari na umuugnay sa nalalapit na paglisan ni Jesus ang ebanghelyo ngayon. Dasal ni Jesus na ang kanyang mga alagad ay manatiling malinis at di madungisan ng mundo ng kasamaan. Dito’y pinakita ni Jesus ang pagiging mataas na pari sa kanyang gawaing pagpapabanal sa sangkatauhan. Ang pagbabasbas na ito ni Jesus ang ating pinagbabahaginan na siyang nagpapabanal sa atin. Ito ang hamon sa atin na manatili sa kabanalan. Huwag nating hayaang madungisan tayo ng kasamaan. Pinaaalalahanan tayo ng tubig sa binyag na tayo’y nalinis na sa kasalanan at naging bahagi na ng pamayanang Kristiyano. Pinahiran tayo ng langis ng krisma upang makaisa ni Kristo. Kung kaya’t ating pagsumikapan na manatili sa kabanalan. Ito ang layon ni Jesus, ang tayo’y maging banal at maging kaisa niya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023