Ebanghelyo: Juan 17:1-11a
Pagkasabi ni Jesus ng mga ito, tumingala siya sa langit at nagsabi: “Ama, sumapit na ang oras. Luwalhatiin mo ang iyong Anak upang maluwalhati ka ng Anak dahil ibinigay mo sa kanya ang kapangyarihan sa bawat tao upang bigyan niya ng buhay magpakailanman ang lahat ng bigay mo sa kanya. Ito naman ang buhay magpakailanman: ang makilala ka, ang tanging totoong Diyos at si Jesucristong sinugo mo.
Niluwalhati kita sa lupa, ginanap ko ang gawang bigay mo sa akin para trabahuhin. At ngayon, luwalhatiin mo ako, Ama, at ibigay sa aking katabi ang luwalhating meron ako sa tabi mo bago pa man nagkaroon ng mundo.
Ipinahayag ko ang pangalan mo sa mga taong kinuha mo sa mundo at ibinigay sa akin. Iyo sila at sa akin mo sila ibinigay, at tinupad nila ang iyong salita. Ngayon, nakilala na nila na sa iyo galing ang lahat ng ibinigay mo sa akin. Totoo, ibinigay ko sa kanila ang mga pananalitang ibinigay mo sa akin, at tinanggap nila at kinilalang totoong sa iyo ako galing at naniwala sila na ikaw ang nagsugo sa akin.
Sila ang ipinapakiusap ko. Hindi ang mundo ang ipinapakiusap ko kundi ang mga ibinigay mo sa akin dahil iyo sila. Iyo ang lahat sa akin, at akin naman ang iyo, at naluwalhati ako sa kanila. Wala na ako sa mundo ngunit nasa mundo pa sila habang papunta ako sa iyo. Amang banal, ingatan mo sila sa iyong Pangalang ibinigay mo sa akin upang maging isa sila gaya natin.
Pagninilay
“Maganap ang Iyong kalooban…” Ito ang buod ng buhay ni Jesus sa sanlibutan, ang pagtupad sa plano ng Diyos Ama na nagsugo sa kanya. Dahil dito, ang kanyang buhay ay nagbigay papuri sa Ama at siya nama’y kinalugdan nito. Ito rin ang hamon sa ating pananampalataya, ang pagsisikap na sundin ang kalooban ng Diyos upang siya ang maghari sa sanlibutan kung saan may kapayapaan at pagmamahalan. Tinuturuan tayo ng Kanyang buhay kung paano sundin ang kalooban ng Diyos. Sa kanyang halimbawa, nakita natin ang katangian, ugali at mga bagay na marapat nating kamtin upang maghari ang Diyos sa ating buhay at sa buong sanlibutan. Pakinggan natin ang mga salita ni Jesus at sundin ang kanyang mga halimbawa upang tayo rin ay makapagbigay-papuri sa Diyos Ama. Sa katapusan ng ating buhay, tayo ri’y makakaasa na kalulugdan ng Diyos tulad ng kanyang Anak na pinagbubunyi sa Kaharian ng Langit.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023