Ebanghelyo: Juan 16:29-33
Kaya sinabi ng kanyang mga alagad: “Hayan, lantaran ka na ngayong nangungusap, at hindi na sa paghahambing nagsasalita. Alam na namin ngayon na alam mo ang lahat at hindi mo kailangang may magtanong pa sa iyo. Dahil dito kaya naniniwala kaming sa Diyos ka galing.”
Sumagot sa kanila si Jesus: “Naniniwala ba kayo ngayon? Narito’t may oras na sumasapit at sumapit na upang mangalat kayo – bawat isa sa sariling kanya – at iiwan n’yo akong nagiisa. Ngunit hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama.
Sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang sa akin kayo magkaroon ng kapayapaan. Kagipitan ang meron kayo sa mundo pero lakasan n’yo ang loob, napagtagumpa yan ko ang mundo.”
Pagninilay
Matapos ang mahabang panahon na kasa-kasama ni Jesus ang kanyang mga alagad, dumating na ang oras na kinailangang maghiwa-hiwalay sila upang ipagpatuloy ang misyon ng pagpapahayag ng Mabuting Balita sa lahat ng bansa. May mga pangamba at takot sa kanilang paglalakbay ngunit binigyan sila ni Jesus ng kasiguruhan na siya’y nagtagumpay sa mundong ito. Saan man tayo sa mundo, tayo’y nakikibahagi sa pagpapahayag ng Mabuting Balita sa ating pagiging binyagan. Iba’tiba ang pamamaraan natin sa pagsaksi sa Mabuting Balita. Minsa’y mahirap lalo’t higit sa mga lugar na may mga pagbabanta at pagtatakwil sa pananampalatayang Kristiyano. Ngunit ang ating ganap na pananampalataya kay Jesus ang siyang nagbibigay sa atin ng sigasig upang mamuhay at manatili sa ating pananampalataya. Ang bawat isa sa ati’y tinawag at ipinadala ng Diyos upang maging tagapagpahayag at saksi ng ating pananampalataya. Huwag tayong mag-alinlangan at matakot. Si Jesus ay nagtagumpay sa sanlibutan at tuwina’y kasama at kaisa natin sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ating Tagapagtanggol.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023