Ebanghelyo: Juan 21:20-25
Paglingon ni Pedro, nakita niyang sumusunod ang alagad na mahal ni Jesus, na siyang humilig sa tabi niya noong hapunan at nagsabing: “Panginoon, sino ba ang magkakanulo sa iyo?” Kaya pagkakita rito ni Pedro, sinabi niya kay Jesus: “Panginoon, ano naman sa kanya?” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Kung loobin kong mamalagi siya hanggang ako’y pumarito, ano sa ’yo? Ikaw, sumunod ka sa akin!”
Dahil dito’y kumalat ang salitang ito sa mga kapatid na hindi mamamatay ang alagad na ito pero hindi naman sinasabi sa kanya ni Jesus na hindi siya mamamatay kundi “Kung loobin kong mamalagi siya hanggang ako’y pumarito.”
Ito ang alagad na siyang nagpapatunay tungkol sa mga bagay na ito at ang sumulat sa mga ito. At alam namin na totoo ang kanyang patunay. Marami pa ring ibang ginawa si Jesus, na kung isa-isang masusulat ang mga iyon, sa tantiya ko’y hindi magkakasya sa mundo ang isusulat na mga aklat.
Pagninilay
Tuwing may anibersaryo ng kasal o ordinasyon, kadalasan ang selebrasyon ay nakasentro mismo sa taong nagdiriwang. Pero hindi ba’t ang mga ganitong klase ng pagdiriwang ay dapat nakapatungkol unanguna ay sa Diyos? Ito ay dahil sa pagiging tapat ng Diyos sa atin datapwat tayo ay hindi tapat sa Kanya. Ang ebanghelyong ito ay ang pagwawakas ng ebanghelyo ni San Juan at ipinapakita rito ang kanyang pagiging tapat kumpara sa ibang mga disipulo. Hindi niya nilisan kasama ang Birheng Maria si Jesus na nakabayubay sa krus. Ganoon din ang gustong mangyari ng Diyos sa atin na nawa ay manatili tayong lagi sa kanyang piling hanggang sa huli.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021