Ebanghelyo: Mateo 28:16-20
Pumunta naman sa Galilea ang Labing-isang alagad, sa bundok na itinakda ni Jesus. Pagkakita nila sa kanya, sumamba sila, ngunit may nag-aalinlangan pa.
At nilapitan sila ni Jesus at sinabi: “Ibinigay sa akin ang buong kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng bansa. Binyagan sila sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espi ritu Santo, at turuan sila na sundin ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Kasama ninyo ako sa lahat ng araw hanggang sa wakas ng panahon.”
Pagninilay
Isa sa ating mga tradisyon at paniniwala ay ang pagdiriwang ng ikaapatnapung araw ng kamatayan. Ito’y pinaniniwalaang araw ng pagakyat sa langit ng yumao. Ang tradisyong ito ay inuugnay sa pag-akyat sa langit ni Jesus sa ikaapatnapung araw mula sa kanyang muling pagkabuhay. Ang pagakyat ni Jesus sa langit ang nagbibigay kasiguruhan sa ating huling hantungan. Ito rin ang ating inaasahan na tayo magkakamit ng muling pagkabuhay at aakyat sa langit ng Kaharian ng Diyos.
Ano ang nagbibigay sa atin ng kasiguruhan sa inaasahang pagakyat sa kaharian ng langit? Una, ang ating pagiging binyagan. Sa binyag, namatay tayo sa ating dating buhay at binigyan ng bagong buhay kay Kristo. Ito ang ating pagasa, na tayo’y muling mabubuhay kasama niya at makabahagi sa silid na hinanda sa kaharian ng langit. Pangalawa, ang ating pagsisikap sa pagsunod sa kanyang mga utos na siyang gabay patungo sa buhay na walang hanggan. Ikatlo, ang kanyang winika “Kasama ninyo ako sa tuwina hanggang sa katapusan ng panahon.” Hindi tayo pinabayaan ni Jesus. Pinadala niya ang Espiritu Santo upang ipahayag sa atin ang katotohanan.
Tulad ng mga alagad na saksi sa pagakyat ni Jesus sa langit, tanawin din natin ang langit sa ating pasasalamat at panalangin. Sa bawat pagtingala natin sa langit, pakatandaan nating meron tayong patutunguhan sa katapusan ng ating paglalakbay. Alalahanin din nating habang narito tayo sa lupa, patuloy tayo sa ating pagmumuhay ng mayroong sigasig at ligaya sapagkat kasama natin ang Panginoon sa tuwina.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023