Ebanghelyo: Juan 16:5-11
Ngayon nama’y papunta ako sa nagpadala sa akin, at wala sa inyong nagtatanong sa akin kung saan ako papunta, kundi tigib ng lungkot ang inyong puso dahil sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito. Ngunit sinasabi ko sa inyo ang katotohanan: makabubuti sa inyong ako’y umalis sapagkat kung hindi ako aalis. hinding-hindi darating sa inyo ang Tagapagtanggol. Kung aalis naman ako, ipadadala ko siya sa inyo. At pagdating niya, hihiyain niya ang mundo tungkol sa kasalanan, sa daan ng pagkamatuwid at sa paghatol. Ito ang kasalanan: hindi sila nananalig sa akin. Ito ang daan ng pagkamatuwid: sa Ama ako papunta, at hindi na ninyo ako mapapansin. At hinatulan na ang pinuno ng mundong ito: ito ang paghatol.
Pagninilay
Ang paghahatol ng Diyos ay isa sa mga huling bagay na magaganap na wala ni sino man ang nakakaalam. Isang kaganapan na kung saan ang lahat ng namatay at buhay ay hahatulan ng naaayon sa kanyang ginawa o gawain habang siya pa’y nabubuhay. Ngunit ito’y hindi dapat nating katakutan. Ito’y isang paalala sa ating lahat na ang buhay sa mundo ay isang buhay na panandalian lamang. Ang totoong buhay ay ang buhay kung saan kapiling at kasama natin ang Diyos magpakailanman. Tayo’y inaanyayahan na sundin at gawin ang mga bagay na makadiyos. Ang pagawa at pagsunod sa mga utos ng Diyos ay siyang makakapagligtas sa atin. Nawa’y tayong lahat ay gabayan ng Diyos sapagkat siya lamang ang ating pag-asa at gabay patungo sa buhay na walang hanggan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020