Ebanghelyo: Juan 16:16-20
Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin, at sandali pa at makikita ninyo ako.”
At sinabi ng kanyang mga alagad sa isa’t isa: “Ano itong sinasabi niya sa atin: ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin at sandali pa at makikita ninyo ako.’ At ‘Papunta ako sa Ama’?” At sinabi nila: “Ano ba itong sina sabi niyang ‘sandali’? Hindi natin maintindihan ang sinasabi niya.”
Naintindihan ni Jesus na gusto nila siyang tanungin kaya sinabi niya sa kanila: “Nagtatanungan kayo tungkol dito dahil sinabi kong ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin, at sandali pa at makikita ninyo ako.’
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, iiyak kayo at tataghoy, at magagalak naman ang mundo. Maninimdim kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong paninimdim.
Pagninilay
Para sa mga alagad ni Jesus, tunay na kamangha-mangha ang mga salitang kanilang narinig mula kay Jesus. Lungkot ang kanilang nadama na isiping iiwanan sila ni Jesus. Hirap silang unawain ang mga winika ni Jesus sa kanila. Binanggit ni Jesus ang mga bagay na magaganap na magdadala ng hapis. Di pa nila nauunawaan ang kaligayahan na kanilang makakamit pagka tapos ng hapis. Sa ating buhay, hindi lahat ng panahon ay naroroon tayo sa lungkot o ligaya. Patuloy ang ikot ng mundo tulad ng karanasan ng tao na parang gulong, minsan ay nasa taas at minsa’y nasa ilalim. Ang pangako ni Jesus sa katapusan na ang ating han tungan ay ang tunay na kaligayahang dulot niya. Sa Diyos natin isalig ang ating mga karanasan, malungkot man o masaya, maginhawa man o may mapangamba. Sa huli, para sa mga nagtitiwala at nananalig sa Diyos, matatagpuan nila ang tunay na ligaya sa presensya ng Diyos sa kanyang kaharian.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023