Ebanghelyo: Juan 15:26 – 16:4a
Sinabi ni Jesus: “Pagdating ng Tagapagtanggol na ipadadala ko sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmumula sa Ama, iyon ang magpapatunay tungkol sa akin. At magpapatunay din kayo sapagkat kasama ko kayo mula sa simula. “Sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang hindi kayo matisod at mahulog. Ititiwalag nila kayo sa kanilang komunidad, at may oras na sasapit na aakalain ng sinumang papatay sa inyo na pag-aalay ito ng pagsamba sa Diyos. “At gagawin nila ang mga ito dahil hindi nila nakilala ang Ama ni ako. Kaya naman sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang pagdating ng oras ay matandaan ninyong sinabi ko sa inyo ang mga ito. “Hindi ko sinabi sa inyo ang lahat ng ito mula sa simula sapagkat kasama ninyo ako.”
Pagninilay
Narinig natin sa ebanghelyo ang pag-uusap ni Jesus at ang kanyang mga alagad tungkol sa espiritu ng katotohanan. Ano nga ba ang ibig sabihin ni Jesus sa kanyang sinabi? Na ito ang magpapatunay sa kanya bilang Diyos. Kanya ring sinabi sa mga alagad na sa tulong ng Banal na Espiritu ng katotohanan sila ay gagabayan sa kanilang pagmimisyon. Kung titingnan natin ang mga sinabi ni Jesus, maaari silang magalak o matuwa sa kanilang narinig sapagkat gabay nila ang espiritu ng katotohanan. Ito ay malaking tulong sa kanilang pagmimisyon. Maaari rin nilang maisip na sa tulong nito ay madali nilang maipaliliwanag ang katotohanan. Ngunit sila ay pinaalalahanan ni Jesus na hindi sa lahat ng oras ang mga tao ay maniniwala sa kanila. Hindi madali ang maging isang misyonero, ngunit sinasabi rin sa atin ni Jesus na hindi tayo mag-iisa. Gagabayan tayo ng espiritu ng katotohanan, na magbibigay patunay kay Jesucristo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020