Ebanghelyo: Juan 16:12-15
Marami pa sana akong sasabihin sa inyo pero hindi ninyo masasakyan ngayon. Ngunit pagdating niya, ang Espiritu ng katotohanan, ihahatid niya kayo sa buong katotohanan.
Hindi siya mangungusap mula sa ganang sarili kundi ang naririnig niya ang ipangungusap niya at ang mga bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo. Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo, at sa gayon niya ako luluwalha tiin. Akin ang tanang sa Ama. Dahil dito kaya ko sinabing ‘Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo.’
Pagninilay
Ang mensahe ng Salita ni Jesus ay laging buhay at nangungusap sa bawat salinlahi ng ating kasaysayan. Sa bawat pagkakataon, ang Salita ng Diyos ay may mensahe para na akma sa ating buhay at karanasan. Nangyayari ito sa pamamagitan ng presensya ng Espiritu Santo na nakikilakbay sa atin at tumutulong sa pagunawa sa Salita ng Diyos upang mabatid natin ang katotohanan at ang mga tanda ng panahon (signs of the time). Kaya’t bahagi ng ating buhay pananampalataya ang pagninilay at pagdarasal upang lubos nating maunawaan ang mensahe at kalooban ng Diyos. Ang tanda ng pagkilos sa atin ng Espiritu Santo ay ang bunga ng ating mga gawa. Sa araw ng Pentekostes, binigay ng Panginoon ang lakas ng Espiritu at ang mga biyayang ating isasabuhay at ibabahagi sa paglago ng kaharian ng Diyos dito sa lupa. Nasa Espiritu Santo ang katotohanan na nais ipahayag ni Jesus sa atin. Hilingin natin ang liwanag at gabay ng Espiritu Santo upang makamit natin ang katotohanan at maging mabunga ang mga biyayang ibinahagi sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023