Ebanghelyo: Juan 14:27-31a
Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo; kapayapaan ko ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng mundo ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, ni panghinaan ng loob. Narinig ninyong sinabi ko sa inyo. ‘Paalis ako pero pabalik ako sa inyo.’ Kung minahal ninyo ako, magagalak kayo’t papunta ako sa Ama pagkat mas dakila sa akin ang Ama.
Ngunit sinabi ko ito ngayon sa inyo bago pa mangyari ito. Hindi ko na kayo kakausapin nang mahaba sapagkat parating na ang pinuno ng mundo. Walang anumang kanya sa akin ngunit dapat malaman ng mundo na mahal ko ang Ama, at ayon sa iniutos sa akin ng Ama, ito mismo ang aking ginagawa. Tumindig kayo, tayo na mula rito!”
Pagninilay
May mga taong manhid at umiiwas sa pag-ibig ngunit lahat ng tao ay naghahangad ng kapayapaan. At tinugunan ni Jesus ang pangkalahatang mithiing ito: “Kapayapaan ang iniiwan Ko sa inyo, kapayapaan Ko ang ibinibigay Ko sa inyo.”
Hangad ng tao ang kapayapaan dahil nababalot siya ng agam-agam, takot at pagkabalisa. Makamtan man ng tao ang tagumpay, yaman at kapangyarihan, hindi sapat ang lahat ng ito upang mapanatag ang tao. Alam ni Jesus na nilikha ang tao sa larawan at wangis ng Diyos. Kaya’t alam din Niya na walang maiaalok ang mundo na makakapawi ng ka-hungkagang nadarama ng tao sa tuwina. Tanging Diyos ang maaring pumuno sa kakulangan ng tao. Itong kakulangang ito ang sanhi ng pala-giang paghahanap niya ng kapa-yapaan.
Mapalad ang taong maagang nakatuklas ng katotohanang ito. Hindi na niya kailangang habulin kung saan-saan ang kaligayaha’t katahimikan. Sa kaibuturan ng puso, doon nakagawiang mamalagi ng Diyos buhat nang likhain Niya ang tao, doon lamang magmumula at palagiang mag-uusbong ang kapa-yapaang hanap ng lahat ng tao.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022