Ebanghelyo: Juan 14:15-21
Kung mahal ninyo ako, isasakatuparan ninyo ang mga kautusan ko. At hihingin ko sa Ama at ibibigay niya sa inyo ang bagong Tagapagtanggol upang makasama ninyo magpakailanman: ang Espiritu ng katotohanan na hindi matatanggap ng mundo dahil hindi siya nito napapansin ni nakikilala. Kilala ninyo siya sapagkat namamalagi siya sa inyo at sasainyo siya. Hindi ko kayo iiwang ulila; pabalik ako sa inyo. Kaunti pang panahon at hindi na ako mapapansin ng mundo; ngunit papansinin ninyo ako sapagkat buhay ako at mabubuhay din kayo. Sa araw na ’yon ninyo malalaman na nasa Ama ako, at nasa akin kayo at nasa inyo naman ako. Ang tumutupad sa tinanggap niyang mga kautusan ko, siya ang nagmamahal sa akin. Mamahalin ng aking Ama ang nagmamahal sa akin, at mamahalin ko rin siya at ipamamalas ko sa kanya ang aking sarili.”
Pagninilay
Ang nakakakilala kay Jesus ay siyang nakakikilala sa Ama at sa Banal na Espiritu. Misyon ni Jesus na isakatuparan ang mga plano at utos ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang mga taong nakikinig kay Jesus ay tutulungan ng Banal na Espiritu upang pagtibayin ang kanilang pananalig at pagkakilanlan sa Kanya at sa Diyos Ama. Hindi pinababayaan ng Diyos ang sinumang kumikilala sa kanya at naniniwala sa mga utos niya sa pamamagitan ng kanyang Anak. Kay Jesus natin matutunan ang tunay na kahulugan ng buhay. Mahal tayo ni Jesus, mahal tayo ng Ama at mahal tayo ng Banal na Espiritu. Hindi nila tayo pinapabayaan kahit na tayo ay makasalanan. Nawa lahat tayo ay matutong magmahal, magbigay, maawa at umunawa sa ating kapwa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020