Ebanghelyo: Juan 15:26 – 16:4a
Sinabi ni Jesus: “Pagdating ng Tagapagtanggol na ipadadala ko sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmumula sa Ama, iyon ang magpapatunay tungkol sa akin. At magpapatunay din kayo sapagkat kasama ko kayo mula sa simula.
“Sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang hindi kayo matisod at mahulog. Ititiwalag nila kayo sa kanilang komunidad, at may oras na sasapit na aakalain ng sinumang papatay sa inyo na pag-aalay ito ng pagsamba sa Diyos. “At gagawin nila ang mga ito dahil hindi nila nakilala ang Ama ni ako. Kaya naman sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang pagdating ng oras ay matandaan ninyong sinabi ko sa inyo ang mga ito.
“Hindi ko sinabi sa inyo ang lahat ng ito mula sa simula sapagkat kasama ninyo ako.”
Pagninilay
Sa pagpapatuloy ng mga alagad sa misyon ng ebanghelisasyon, maraming hirap at pagsubok ang kanilang kinaharap. Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin sila at nagtagumpay. Yumabong ang pamayanang Kristiyano at natayo ang Simbahan. Hindi ito maisasakatuparan kung wala ang tulong at kilos ng Espiritu Santo, ang Tagapagtanggol na pinadala ng Diyos upang gumabay sa paglalakbay ng mga tagapamahayag. Ang kilos ng Espiritu Santo ang nagpapatunay sa lahat ng katotohanang ipinahayag ni Jesus at patuloy na tumatanglaw sa Simbahan sa pag-unawa sa mensahe ng kaligtasan. Dahil dito, bahagi ng buhay ng Simbahan ang palagiang pananalangin at pagninilay. Ito’y upang mabatid ang kalooban ng Diyos sa ating panahon sa gabay ng Espiritu Santo. Gumagalaw ang Espiritu Santo sa ating mga buhay at sa ating pamayanang Kristiyano. Kung kaya’t mahalagang maging bukas sa kilos ng Espiritu Santo upang manatili tayo sa katotohanan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023