Ebanghelyo: Juan 15:12-17
Ito ang kautusan ko: magmahalan kayo kung paano ko kayo minahal. Wala nang pagmamahal na hihigit pa sa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa kanyang mga kaibigan. Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo tinatawag na mga lingkod sapagkat hindi alam ng lingkod ang ginagawa ng kanyang panginoon. Mga kaibigan naman ang turing ko sa inyo sapagkat ipinagbibigay-alam ko sa inyo lahat ng narinig ko mula sa aking Ama. Hindi kayo ang humirang sa akin, ako ang humirang sa inyo at nagtalaga sa inyo para humayo at mamunga, at mamalagi ang inyong bunga. At ipagkakaloob sa inyo anumang hingin n’yo sa Ama sa pangalan ko. Iniuutos ko nga sa inyo: magmahalan kayo.
Pagninilay
Madaling sabihin na mahal mo ang isang tao at madali ding sabihin na mahalaga siya sa buhay mo. Maraming paraan kung paano maipapakita ang ating pagmamahal sa kapwa, sa mga kaibigan at lalo na sa mga mahal natin sa buhay. May sinasabing “expressive” o mga taong ipinapakita nila ang kanilang pagmamahal sa kanilang mga malalambing na mga galawan. Meron namang sinasabing “unexpressive” o mga taong hindi malalambing o hindi nila ipinapakita sa kanilang mga galawan ang kanilang pagmamahal sa minamahal. Ang pag-ibig ng Diyos ay isang halimbawa ng pagmamahal na “expressive”. Ipinapakita sa atin kung gaano niya tayo minamahal sa pamamagitan ni Jesus. Si Jesus ay ang pag-ibig ng Diyos Ama. Ipinamalas ni Jesus kung paano magmahal at mahalin ang ating kapwa lalo na ang Diyos. Hinihikayat niya tayong lahat na magmahalan gaya ng Ama na walang pinipiling mahalin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020