Ebanghelyo: Juan 14:15-21
Kung mahal ninyo ako, isasakatuparan ninyo ang mga kautusan ko. At hihingin ko sa Ama at ibibigay niya sa inyo ang bagong Tagapagtanggol upang maka sama ninyo magpakailanman: ang Espiritu ng katotohanan na hindi matatanggap ng mundo dahil hindi siya nito napapansin ni nakikilala. Kilala ninyo siya sapagkat namamalagi siya sa inyo at sasainyo siya.
Hindi ko kayo iiwang ulila; pabalik ako sa inyo. Kaunti pang panahon at hindi na ako mapapansin ng mundo; ngunit papansinin ninyo ako sapagkat buhay ako at mabubuhay din kayo. Sa araw na ’yon ninyo malalaman na nasa Ama ako, at nasa akin kayo at nasa inyo naman ako.
Ang tumutupad sa tinanggap niyang mga kautusan ko, siya ang nagmamahal sa akin. Mamahalin ng aking Ama ang nagmamahal sa akin, at mamahalin ko rin siya at ipamamalas ko sa kanya ang aking sarili.”
Pagninilay
Patuloy ang Simbahan sa kanyang misyon ng pagpapahayag sa Mabuting Balita at siya’y nabubuhay sa gabay at pagagapay ng Espiritu Santo. Ito ang ipinangako ni Jesus na Tagapagtanggol na mangangalaga at magpapabanal sa bayan ng Diyos. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, nagbabahagi ng kanyang grasya at kapatawaran ang Panginoon sa mga sakramento. Sa kumpisal, maririnig mula sa pari, “Ang Diyos ay mahabagin nating Ama, pinagkasundo Niya ang mundo sa kanyang sarili sa pamamagitan ng pagkamatay at muling pagkabuhay ng Kanyang anak. Sinugo niya ang Espiritu Santo sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan sa pamamagitan ng paglilingkod ng Simbahan…” Sa banal na misa, sa konsekrasyon ng tinapay at alak, binibigkas ng pari, “Kaya’t sa pamamagitan ng Espiritu gawin mong banal ang mga kaloob na ito upang para sa ami’y maging Katawan at Dugo ng aming Panginoong Jesukristo.” Ang pagpapatawad ng mga kasalanan at ang pagpapabanal sa bayan ng Diyos ang misyon ng Banal na Espiritu Santo.
Sa Gawa ng mga Apostol, makikita natin ang nangyari sa mga alagad ni Jesus matapos nilang tanggapin ang Espiritu Santo. Sila’y naging masigasig sa pagpapahayag ng Mabuting Balita at naitayo ang mga unang pamayanang Kristiyano. Ito’y lumaganap sa buong sanlibutan. Para sa ating nakatanggap ng pananampalatayang ito sa binyag, nakikibahagi rin tayo sa misyon ng pagpapahayag ng Mabuting Balita. Sa sakramento ng kumpil, pinatatatag tayo ng Espiritu Santo at binibigyan tayo ng mga biyayang ating ibabahagi sa pagpapayabong ng Simbahan, ang bayan ng Diyos.
Nananatili ang mga hirap sa misyon ng ebanghelisasyon at ang mga pagsubok sa pananampalatayang Kristiyano, subalit ang Espiritu Santo na pinadala ang kasiguruhan na kasama natin ang Panginoon sa paglalakbay. Sa katapusan ng Unang Sulat ni San Pedro, pinaaalalahanan tayo ni Jesus na manatili sa kabanalan sa ating mga puso sa gitna ng mga pagsubok. Ang Panginoon ang ating pag-asa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023