Ebanghelyo: Juan 15:9-17
Kung paano ako minahal ng Ama, gayon ko rin kayo minahal. Mamalagi kayo sa pagmamahal ko. Kung
isasakatuparan ninyo ang mga kautusan ko, mamamalagi kayo sa pagmamahal ko kung paanong isinakatuparan ko ang mga kautusan ng aking Ama at namamalagi sa kanyang pagmamahal. Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang aking kagalakan at maging ganap ang inyong kagalakan. Ito ang kautusan ko: magmahalan kayo kung paano ko kayo minahal. Wala nang pagmamahal na hihigit pa sa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa kanyang mga kaibigan. Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo tinatawag na mga lingkod sapagkat hindi alam ng lingkod ang ginagawa ng kanyang panginoon. Mga kaibigan naman ang turing ko sa inyo sapagkat ipinagbibigay-alam ko sa inyo lahat ng narinig ko mula sa aking Ama. Hindi kayo ang humirang sa akin, ako ang humirang sa inyo at nagtalaga sa inyo para humayo at mamunga, at mamalagi ang inyong bunga. At ipagkakaloob sa inyo anumang hingin n‘yo sa Ama sa pangalan ko. Iniuutos ko nga sa inyo: magmahalan kayo.
Pagninilay
Ang buod ng pagpanaog ng Anak ng Diyos sa mundo ay pagmamahal. Ito rin ang dahilan ng lahat niyang paglilingkod sa mga tao. At ang habilin ni Jesus sa bawat isa ay ang magmahalan tayo. Sa pag-ibig tayo ginawa at sa pagibig din tayo nararapat mabuhay. Ngunit ang pag-ibig na tinutukoy ni Jesus ay pag-ibig na walang sukatan. Hindi lamang ito sa mga taong kaibig-ibig, mga taong makapagbabalik ng pag-ibig kundi rin sa mga taong walang umiibig, di natutong umibig at mangmang sa pag-ibig. Nawa ang pag-ibig na hindi nagtatangi ay manahan sa bawat puso natin at patuloy na ibahagi sa kapwa bilang pagtugon sa habilin ni Jesus. Ang taong umiibig ay nanatili sa Diyos sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020