Ebanghelyo: Juan 15:18-21
Kung napopoot sa inyo ang mundo, alamin n’yo na sa akin muna ito napoot bago sa inyo. Kung kayo’y makamundo, inibig na sana ng mundo ang sariling kanya. Ngunit dahil hindi kayo makamundo kundi hinirang ko kayo mula sa mundo kaya napopoot sa inyo ang mundo.
Tandaan ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo: ‘Walang lingkod na mas dakila sa kanyang panginoon.’ Di ba’t inusig nila ako? Uusigin din kayo. Tinupad ba nila ang aking salita? Gayon din nila tutuparin ang sa inyo. Gagawin nila sa inyo ang lahat ng ito dahil sa aking pangalan sapagkat hindi nila nakikilala ang nagpadala sa akin.
Pagninilay
Bahagi ng pananampalatayang Kristiyano ay ang pagiging martir. Sa kasaysayan ng Kristiyanismo, maraming mananampalataya kay Jesus ang dumanas ng pagbabanta, paguusig at maging kamatayan. Sa ebanghelyo, pinangunahan ito mismo ni Jesus. Tulad ng Guro na dumaan sa paguusig, pagpapakasakit at kamatayan, ito rin ang daranasin ng mga alagad na nananatili sa Kanya at patuloy na nagpapahayag ng Mabuting Balita. Patuloy rin ito sa buhay ng Simbahan kung saan maraming mananampalataya kay Kristo ang naging martir. Inalay nila ang kanilang mga sarili upang maging saksi ng pananampalatayang Kristiyano. Ang mga dugo ng martir ang siyang nagdilig upang patuloy na lumago ang mga binhi ng pananampalataya na ating tinanggap at tinanim sa ating mga puso. Ang buhay ng mga banal at martir ay nagpapaalala na hindi tayo angkin ng mundo. Dumaraan lamang tayo sa buhay na ito. May hangganan ang ating paglalakbay sa buhay at umaasa tayo sa ating pananampalataya sa ipinangako ni Jesus na buhay na walang hanggan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023