Ebanghelyo: Juan 16:16-20
Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin, at sandali pa at makikita ninyo ako.”
At sinabi ng kanyang mga alagad sa isa’t isa: “Ano itong sinasabi niya sa atin: ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin at sandali pa at makikita ninyo ako.’ At ‘Papunta ako sa Ama’?” At sinabi nila: “Ano ba itong sinasabi niyang ‘sandali’? Hindi natin maintindihan ang sinasabi niya.”
Naintindihan ni Jesus na gusto nila siyang tanungin kaya sinabi niya sa kanila: “Nagtatanungan kayo tungkol dito dahil sinabi kong ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin, at sandali pa at makikita ninyo ako.’
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, iiyak kayo at tataghoy, at magagalak naman ang mundo. Maninimdim kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong paninimdim.
Pagninilay
Kadalasan nating naririnig sa mga matatanda ang kasabihang “huwag mo nang ipagpabukas ang mga bagay na maaaring mong gawin sa kasalukuyan”. Nagpapakita lamang ito kung gaano kahalaga ang bawat araw na dumadaan sa ating buhay. Ipinapaalala ng ating Ebanghelyo na pansamantala lamang ang ating buhay dito sa mundo. Inaanyayahan tayo ni Jesus na gawing kaaya- aya at makabuluhan ang ating buhay na ilalagi natin sa mundong ibabaw. Huwag nawa nating ipagpaliban ang ating pagbabago at paglapit sa Diyos. Gaya ng ating Panginoong Jesucristo, napakaganda kung makapag-iwan tayo ng marka sa buhay ng ibang tao at hindi sa mga materyal at pansamantalang bagay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021