Ebanghelyo: Juan 15:1-8
Ako siyang totoong puno ng ubas at ang Ama ko ang magsasaka. Pinuputol niya ang bawat sangang di namumunga sa akin; at pinupungusan naman niya’t nililinisan ang bawat namumunga upang higit pang mamunga. Ngayon malinis na kayo dahil sa salitang binigkas ko sa inyo. Mamalagi kayo sa akin, at ako sa inyo. Hindi makapamumunga ang sanga sa ganang sarili, malibang mamalagi ito sa puno ng ubas; gayundin naman kayo, malibang mamalagi kayo sa akin. Ako siyang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang namamalagi sa akin at ako sa kanya, siya ang namumunga nang sagana pagkat hiwalay sa aki’y hindi kayo makagagawa ng anuman. Kung hindi namamalagi sa akin ang sinuman, ihahagis siya sa labas gaya ng sangang natuyo na tinitipon at ginagatong sa apoy at nagliliyab. Kung mamamalagi kayo sa akin at mamamalagi sa inyo ang mga pananalita ko, hingin ninyo ang anumang loobin n’yo at magkakagayon sa inyo. Sa ganito parangalan ang aking Ama: kapag namunga kayo nang sagana at naging mga alagad ko.
Pagninilay
Ang bawat nating naisin at hangarin ay kinakailangang naaayon at nakaugnay sa layunin at kalooban ng Diyos. Isang kasabihan nga ang malimit nating naririnig, “ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.” Kung saan tayo nagmula ay doon din natin masusumpungan ang mga tao o bagay na makatutulong sa ating paglago. Lubhang masalimuot ang buhay kung walang masusumpungang kaagapay sa bawat hakbangin. Ngunit nakasisiya namang malaman kung may karamay tayo sa bawat paghakbang at pagtupad ng mga layunin natin sa buhay. Bilang mga Kristiyano, wala tayong magagawa upang mapagtagumapayan ang lahat kung wala tayong kaugnayan kay Kristo. Walang kabuluhan ang mga hangarin natin sa buhay kung ito ay taliwas sa kalooban ng Diyos. Ang pananatili natin sa Diyos ay nangangahulugan ng ating pagsunod sa kanyang kalooban upang tayo ay mamunga ng masagana na siya naman nating ibabahagi sa iba.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020