Ebanghelyo: Juan 15:9-11
Kung paano ako minamahal ng Ama, gayon ko rin kayo minahal. Mamalagi kayo sa pagmamahal ko. Kung isasakatuparan ninyo ang mga kautusan ko, mamamalagi kayo sa pagmamahal ko kung paanong isinakatuparan ko ang mga kautusan ng aking Ama at namamalagi sa kanyang pagmamahal.
Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang aking kagalakan at maging ganap ang inyong kagalakan.
Pagninilay
Sa Lumang Tipan, naging batayan ng pagiging matuwid ang pagsunod sa mga utos ng Panginoon. Matuwid ang isang tao kung siya’y tapat sa bawat titik ng utos ng Diyos. Pagsunod sa mga batas na ito ang isa sa mga dahilan ng pakikipagtalo ng mga pariseo at guro ng Batas kay Jesus, lalo’t higit ang kanyang pagpapagaling sa Araw ng Pahinga. Hindi binago ni Jesus ang mga utos na binigay ng Diyos Ama sa Lumang Tipan. Binigyan nya ito ng mas malalim na kahulugan. Si Jesus ang kaganapan ng utos ng Diyos. Sa kanya natin napagtanto na ang pagsunod sa utos ay daan upang manatili sa pagibig ng Diyos. Ang pagsunod sa utos, kung ito’y mula sa pagmamahal, ay magbibigay sa atin ng tunay na kaligayahan. Kung walang pagibig, ang pagsunod sa mga utos ay walang kahulugan at magiging isang obligasyon lamang.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023