Ebanghelyo: Juan 14:1-12
Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manalig kayo sa Diyos, at manalig din kayo sa akin. Maraming silid sa bahay ng aking Ama. Kung hindi’y hindi ko sana sinabi sa inyong: “Pupunta ako upang ipaghanda kayo ng lugar.” At pag pumunta na ako at naipaghanda kayo ng lugar, muli akong darating at dadalhin ko kayo sa akin upang kung saan ako naroon, gayon din naman kayo. At alam n’yo ang daan sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas: “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siyang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang nakalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung kilala ninyo ako, makikilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit ngayon, kilala n’yo na siya at nakita ninyo siya.” Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ipakita mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sinabi sa kanya si Jesus: “Ang tagal na panahon n’yo akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang Ama ang nakikita niya. Paano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa.
Pagninilay
Ang pagpapakilala ay karaniwang sinisimulan sa salitang “ako”. Nang magpakilala si Jesus, hindi lubos maunawaan ni Felipe ang nais niyang ipabatid. Nagtanong siyang muli kung nasaan (sino) ang Diyos Ama. Napakalinaw ng naging tugon ni Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan at ang buhay. Walang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” Tunay nga namang nakamamangha para kina Felipe at Tomas na si Jesus ang daan patungo sa buhay na walang hanggan. Ngunit ang kanyang salita ay hindi maaaring magkamali. Siya ang tanging paraan upang makita ang Ama at kinakailangan nating paniwalaan ang katotohanan ng lahat tungkol sa kanya. Ang mga winika niya tungkol sa Ama ay katotohanang makapagbibigay sa atin ng liwanag – na tayo ay mahal ng Diyos, na nais niya na tayong lahat ay magbalik-loob sa kanya at na sundin natin ang lahat ng kanyang inatas. Nawa, tayo’y gabayan ng Diyos sa ating paglalakbay tungo sa Kanya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020