Ebanghelyo: Juan 14:7-14
Kung kilala ninyo ako, makikilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit ngayon, kilala n’yo na siya at nakita ninyo siya.” Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ipakita mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sinabi sa kanya si Jesus: “Ang tagal na panahon n’yo akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang Ama ang nakikita niya. Paano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa rin ng nananalig sa akin ang gawang ginawa ko; at mas dakila pa kaysa mga ito ang gagawin niya. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin n’yo sa Pangalan ko’y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung may hingin kayo sa akin sa Pangalan ko, gagawin ko.
Pagninilay
Sa mga kataga ni San Juan, ipinapahayag ni Kristo ang pagiging isa nila ng Ama. Ang Simbahan ay naniniwala at itinuturo na si Jesucristo ay totoong tao at totoong Diyos sa iisang katawan o persona. Dahil sa kanyang misteryosong katauhan, nagkaroon ang sanlibutan ng isang konkretong halimbawa ng pag-ibig ng Diyos. Dahil kay Jesus, nagkaroon ng pagkakataong maibalik sa piling ng Diyos ang sangkatauhan. Ang pagdating ni Jesus sa buhay natin ay biyayang ipinagkaloob ng Ama upang lubusan natin siyang makilala. Pinadala si Jesus sa sanlibutan upang tayo ay tulungan at paglingkuran, “ako ay naparito hindi para paglingkuran, ako ay naparito para maglingkod at magbalita sa kung anong meron ang Ama para sa mga naniniwala sa kanya.” Siya lamang ang inatasan ng Ama upang matupad ang mga pangako para sa sanlibutan, ang magdadala ng kaligtasan para sa lahat.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020