Ebanghelyo: Juan 14:1-6
Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manalig kayo sa Diyos, at manalig din kayo sa akin. Maraming silid sa bahay ng aking Ama. Kung hindi’y hindi ko sana sinabi sa inyong: “Pupunta ako upang ipaghanda kayo ng lugar.” At pag pumunta na ako at naipaghanda kayo ng lugar, muli akong darating at dadalhin ko kayo sa akin upang kung saan ako naroon, gayon din naman kayo. At alam n’yo ang daan sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas: “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siyang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang nakalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.
Pagninilay
Sa panahon ng pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay, nais ni Jesus na tayo ay muling bumalik sa kanyang pag-ibig at makasama sa kanyang kaharian. Ang Misteryo Paskwal ni Jesus ay tanda ng kanyang wagas na pag-ibig sa sanlibutan. Ito ay nagpapakita sa atin ng pag-asa. Sa kabila ng mga suliranin at pagsubok sa buhay dapat tayong patuloy na manalig sa kanya. Siya ang daan, katotohanan at buhay. Walang ibang daan sa Ama kundi si Jesus lamang. Itinuturo ni Jesus ang daan patungo sa pag-ibig ng Ama. Hindi ito magiging madali. Maaari tayong madapa, masugatan o mawala sa daan. Ngunit si Jesus pa rin ang ating magiging gabay kung mananatili tayong nakatingin sa kanya sa pamamagitan ng panalangin, pagbabasa ng bibliya at pagtanggap ng sakramento katulad ng kumpisal at banal na Eukaristiya. Nauuso ngayon ang paggamit ng “road map application” upang masumpungan natin ang lugar na nais nating puntahan, higit pa rito si Jesus. Sa pagtalima natin sa kanya ay tiyak na langit ang ating masusumpungan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020