Ebanghelyo: Juan 13:16-20
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, walang aliping mas dakila sa kanyang panginoon, ni walang sinugong mas dakila sa nagpadala sa kanya. Kung alam ninyo ito, mapalad kayo kung isinasagawa n’yo ang mga ito. Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko. Kilala ko ang mga hinirang ko. Ngunit kailangang maganap ang Kasulatan: Ang nakikisalo sa aking pagkai’y tumalapid sa akin.” Sinasabi ko ito ngayon sa inyo bago pa mangyari upang maniwala kayong Ako Nga kapag nangyari ito. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: ako ang tinatanggap ng tumatanggap sa ipinadadala ko, at ang nagpadala sa akin ang tinatanggap ng tumatanggap sa akin.”
Pagninilay
Walang alipin ang mas hihigit pa sa kanyang diyos. Ang kasabihang ito ay nagpapahiwatig na lahat tayo ay mga alagad ng Diyos at nararapat na sumunod at gawin ang mga utos niya. Ang pagsunod ng may kusang loob ay nagbibigay sa atin ng tuwa at saya. Isang pagsunod na hindi naghihintay ng anumang kapalit. Ito ay nagbibigay kahulugan kung papaano mamuhay ng naaayon sa kanyang kalooban. Si Jesus ang gabay natin sa tamang paglilingkod at paggawa ng mga bagay na nakakapagpapasaya sa Diyos. Siya ang inatasang magturo sa atin ng mga tamang gawain, ang gawaing maka-Diyos at hindi makamundo, mga gawaing hindi lamang panandalian ang katumbas na saya kundi mga gawaing magbibigay sa atin ng panghabang-buhay na kaligayahan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020