Ebanghelyo: Juan 14:1-6
Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manalig kayo sa Diyos, at manalig din kayo sa akin. Maraming silid sa bahay ng aking Ama. Kung hindi’y hindi ko sana sinabi sa inyong: “Pupunta ako upang ipaghanda kayo ng lugar.” At pag pumunta na ako at naipaghanda kayo ng lugar, muli akong darating at dadalhin ko kayo sa akin upang kung saan ako naroon, gayon din naman kayo.
At alam n’yo ang daan sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas: “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siyang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang nakalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.
Pagninilay
Takot at pangamba ang ating nararamdaman sa isang paglalakbay na hindi batid ang patutunguhan. Nagdadalawang-isip tayo. Mag papatuloy ba o hihinto na lang? Ito rin ang naramdaman ng mga alagad sa pamamaalam ni Jesus. Kaya’t nasabi ni Tomas, “hindi namin alam kung saan ka pupunta.” Pinakilala ni Jesus ang sarili bilang daan, katotohanan at buhay. Sa kanyang mga halimbawa, nakita natin ang daan na dapat nating tahakin. Sa kanyang mga salita, naroon ang katotohanan. Sa kanya natin makakamit ang buhay na walang hanggan. Huwag matakot! Naparito siya upang gabayan ang ating buhay na maging lubos. Siya’y naging tao upang mapagtanto ng tao ang kalooban ng Diyos. Patuloy nating pakinggan ang kanyang mga salita at tanggapin ang kanyang grasya sa mga sakramento upang maliwanagan at mapagtibay tayo sa ating paglalakbay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023