Ebanghelyo: Juan 13:16-20
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, walang aliping mas dakila sa kanyang panginoon, ni walang sinugong mas dakila sa nagpadala sa kanya. Kung alam ninyo ito, mapalad kayo kung isinasagawa n’yo ang mga ito.
Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko. Kilala ko ang mga hinirang ko. Ngunit kailangang maganap ang Kasulatan: Ang nakikisalo sa aking pagkai’y tumalapid sa akin.” Sinasabi ko ito ngayon sa inyo bago pa mangyari upang maniwala kayong Ako Nga kapag nangyari ito.
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: ako ang tinatanggap ng tumatanggap sa ipinadadala ko, at ang nagpadala sa akin ang tinatanggap ng tumatanggap sa akin.”
Pagninilay
Walang aliping mas dakila sa kanyang panginoon na nag-uutos sa kanya. Ito ang pangaral ni Jesus matapos niyang hugasan ang paa ng kanyang mga alagad. Ang paghuhugas na ito ay tanda ng mapagpakumbabang paglilingkod na pinakita ng Guro sa kanyang mga alagad. Ito rin ang atas sa kanila, ang maglingkod ng may pagpapakumbaba. Ito’y nagpapakita ng pagtanggap sa nagsugo sa kanila. Para sa ating tumanggap kay Jesus sa binyag, tumanggap din tayo sa kanyang mga pangaral. Marapat lamang na pagsikapan natin ang pamumuhay at pagtupad sa kanyang mga sugo. Hinihimok din tayong maglingkod ng may kababaang-loob sa ating kapwa. Sinusugo rin tayo ng Diyos upang ibahagi ang ating pananampalataya upang tanggapin rin Siya ng ating mga kapatid, lalo’t higit ang mga napalayo sa Kanya. Sa ating paglilingkod, matagpuan nawa ng iba si Jesus sa ating mga gawa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023