Ebanghelyo: Juan 14:6-14
Sinabi sa Kanya ni Jesus: “Ako ang siyang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang nakalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung kilala ninyo ako, makikilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit ngayon, kilala n’yo na Siya at nakita ninyo siya.”
Sinabi sa Kanya ni Felipe: “Panginoon, ipakita mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sinabi sa Kanya si Jesus: “Ang tagal na panahon n’yo akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang Ama ang nakikita Niya. Paano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’?
Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at Siya ang gumagawa ng Kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa.
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa rin ng nananalig sa akin ang gawang ginawa ko; at mas dakila pa kaysa mga ito ang gagawin Niya. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin n’yo sa Pangalan ko’y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung may hingin kayo sa akin sa Pangalan ko, gagawin ko.
Pagninilay
May mga tao tayong tinitingala at kinokonsidera bilang huwaran. Para sa mga anak na pinalaki ng tama ng kanilang mga magulang, ang hangad nila ay sumunod sa kanilang mga yapak. Para sa ibang kabataang umiidolo sa mga “celebrity”, maging ang pananamit o pananalita ng mga ito ay kanilang ginagaya. Ilan sa atin ang nangarap na maging katulad ni Jesucristo sa paraan ng pagsasalita, pakikituring sa kapwa, at paglilingkod sa mga nangangailangan? Sinasabi ni Jesus sa ebanghelyo: Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Nangangahulugan ito na hindi na natin kailangang maghanap pa ng ibang matutularan dahil sinabi na mismo ni Jesucristo na Siya ang daluyan ng buhay. Tahakin nawa natin ang kanyang daan at pamamaraan, maniwala sa kanyang mga pangako, at ialay ang ating sarili sa Kanya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021