Ebanghelyo: Juan 6:22-29
Kinabukasan napuna ng mga taong nakatayo sa kabilang ibayo ng dagat na dati’y walang ibang bangka doon kundi isa lang at hindi sumakay sa bangka kasama ng kanyang mga alagad si Jesus kundi ang kanyang mga alagad lamang ang magkakasamang umalis. May iba namang malalaking bangkang galing Tiberias na dumating malapit sa lugar na kinainan nila ng tinapay pagkapagpasalamat ng Panginoon. Kaya nang mapuna ng mga tao na wala roon si Jesus ni ang kanyang mga alagad, sumakay sila sa mga bangka at nagpa-Capernaum sa paghanap kay Jesus.
Nang matagpuan nila siya sa kabilang ibayo ng dagat, sinabi nila sa kanya, “Rabbi, kailan ka dumating?”
Sumagot sa kanila si Jesus at sinabi: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hinahanap n’yo ako hindi dahil sa nakita n’yo sa pamamagitan ng mga tanda kundi dahil sa tinapay na kinain n’yo at nabusog kayo. Magtrabaho kayo, hindi nga para sa pagkaing nasisira kundi para sa pagkaing namamalagi hanggang buhay na magpakailanman. Ito ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, siya nga ang tinatakan ng Diyos Ama.”
Kaya sinabi nila sa kanya: “Ano ang matatrabaho namin para maisagawa ang gawa ng Diyos?” Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: “Ito ang gawa ng Diyos: patuloy kayong manalig sa sinugo niya.”
Pagninilay
“Puspos ng biyaya si Esteban…” kaya siya ay puno ng Espiritu at lakas ng Panginoon. Masasabi rin ang ganito sa bawat isang bininyagan sa ngalan ng Banal na Santatlo. Ngunit bakit hindi makita sa atin ang tapang at karunungang ginamit ni Esteban sa mga nakikipagtalo’t sumasalungat sa katotohanan ni Jesus?
Ang tugon sa tanong na ito ay ibinigay sa ating ng Ebanghelyo. Sabi ni Jesus, “Hinahanap ninyo ako HINDI DAHIL SA NAKITA NINYO SA PAMAMAGITAN NG MGA TANDA kundi dahil nabusog kayo sa tinapay”. (Juan 6:26) Ang tapang at karunu-ngan ni Esteban ay mula sa pananaw na makalangit. Malayo, malalim at malawak ang saklaw ng ganitong paningin. Ngunit karamihan sa ating mga tao ay mababaw at maikli ang abot-tanaw. Sadyang nakabubulag ang paghahangad at paghahabol sa mga bagay na materyal, sa mga nakamundong pinahahalagahan. Unti-unti ay namanmanhid na rin ang ating puso hanggang sa tuluyan nang maglaho ang paghahangad sa mga “pagkaing namamalagi hang-gang buhay na magpakailanman.” Juan 6:27
© Copyright Pang Araw-Araw 2022