Ebanghelyo: Juan 10:11-18
Ako siyang mabuting pastol. Nag-aalay ng kanyang buhay alang-alang sa mga tupa ang mabuting pastol. Ang upahan at hindi pastol, na hindi naman kanya ang mga tupa, pag napansin niyang dumarating ang asonggubat, iniiwan niya ang mga tupa at tumatakas. Kayat inaagaw ng asonggubat ang mga ito at pinangangalat. Sapagkat upahan siya at wala siyang pakialam sa mga tupa. Ako siyang mabuting pastol. Kilala ko ang mga akin at kilala ako ng mga akin, kung paanong kilala ako ng Ama at kilala ko ang Ama. At itinayo ko ang aking buhay para sa mga tupa.”
May iba akong mga tupa na di mula sa kulungang ito. Maging sila ay kailangan kong akayin palabas, at makikinig sila sa tinig ko at magkakaroon ng iisang kawan, iisang pastol. Kaya mahal ako ng Ama dahil itinataya ko ang aking buhay, at saka muli ko itong kukunin. Walang nagaalis nito sa akin, kundi ako ang kusang nagtataya nito. May kapangyarihan akong itayo ito, at may kapangyarihan akong kunin itong muli. Ito ang utos na tinanggap ko mula sa aking Ama.”
Pagninilay
Ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan ni San Jose, Manggagawa. Siya’y nagsumikap bilang isang karpintero na may sariling mithiin sa buhay. Nabago ang lahat nang pinili ng Diyos ang kanyang mapapangasawa na maging Ina ng Kanyang bugtong na anak. Dahil sa kanyang pagkamatuwid, binalak niyang hiwalayan si Maria upang hindi ito maging kahiya-hiya. Ngunit may sariling plano ang Diyos. Siya ang magiging tagapag-alaga ni Maria at ng batang Jesus. Siya ang sanggalang ng Banal na Pamilya. Sa kanyang pagiging ama, naranasan ni Jesus ang pagmamahal ng isang ama sa lupa na nagalay ng kanyang sarili di lamang para sa kanyang pamilya pati na sa katuparan ng plano ng Diyos. Kay San Jose naranasan ng batang Jesus ang pagmamahal ng isang pastol. Ang karanasan ding ito ang kanyang isinabuhay at pinatotohanan. Dahil dito’y naging ganap si Jesus, ang Mabuting Pastol na handang maghandog ng kanyang sarili para sa kanyang kawan at para sa katuparan ng plano ng kaligtasan ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023