Ebanghelyo: Juan 21:1-19
Pagkaraan ng mga ito, muling ibinunyag ni Jesus ang sarili sa mga alagad sa may Dagat ng Tiberias. Ganito ang kanyang pagbubunyag.
Magkasamang naroon sina Simon Pedro, Tomas na tinaguriang Kambal, Natanael na taga-Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa mga alagad niya. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro: “Aalis ako para mangisda.” Sinabi nila sa kanya: “Sasama kami sa iyo.”
Lumabas sila at sumakay sa bangka nang gabing iyo’y wala silang nahuli.
Nang madaling-araw na, nakatayo si Jesus sa dalampasigan pero hindi nakilala ng mga alagad na si Jesus iyon. Tinatawag sila ni Jesus: “Mga bata, wala ba kayong isda?” Sumagot sila sa kanya: “Wala!” Kaya sinabi niya sa kanila: “Ihagis n’yo ang lambat sa bandang kanan ng bangka at makakatagpo kayo.” Kaya ini-hagis nga nila at hindi na nila makayang hilahin iyon dahil sa dami ng isda.
Kaya sinabi kay Pedro ng alagad na iyon na mahal ni Jesus: “Ang Panginoon siya!” “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Nang marinig ni Simon Pedro na ang Panginoon iyon, ibinigkis niya ang [kanyang] damit dahil hubad siya, at saka tumalon sa dagat. Dumating namang sakay ng maliit na bangka ang iba pang mga alagad pagkat hindi sila kalayuan mula sa pampang kundi mga sandaang metro lamang. Hila-hila nila ang lambat ng mga isda.
At pagkalunsad sa lupa, nakita nilang may nagbabagang uling doon, na pinagiihawan ng isda, at may tinapay.
Sinabi sa kanila ni Jesus: “Magdala kayo mula sa mga isdang nahuli n’yo ngayon.” Kaya sumakay si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng sandaa’t limampu’t tatlong malalaking isda. At kahit na napakarami’y hindi napunit ang lambat.
Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo’t mag-almusal!” Walang makapangahas sa mga alagad na mag-usisa sa kanya: “Sino ba kayo?” dahil alam nilang ang Panginoon iyon. Lumapit si Jesus at kumuha ng tinapay at ipinamahagi sa kanila. Gayundin sa isda.
Ito ngayon ang ikatlong pagbubunyag ni Jesus sa mga alagad matapos siyang ibangon mula sa mga patay.
Pagkapag-almusal nila, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako nang higit sa pagmamahal nila?” Sinabi nito sa kanya: “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” Sinabi sa kanya: “Pakanin mo ang aking mga kordero.” Sinabi sa kanyang makalawa: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Sinabi nito sa kanya: “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” Sinabi sa kanya: “Ipastol ang aking mga tupa.” Sinabi sa kanyang makaitlo: “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?”
Nalungkot na si Pedro dahil makaitlo siyang sinabihan: “Iniibig mo ba ako?” kaya sinabi niya: “Panginoon, ikaw ang nakaaalam ng lahat; alam mong iniibig kita.” Sinabi nito sa kanya: “Pakanin mo ang aking mga tupa.
Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, nang bata-bata ka pa, ikaw mismo ang nagbibigkis sa iyong sarili at palakad-lakad ka saan mo man naisin. Ngunit pagtanda mo’y ididipa mo naman ang mga kamay mo, at iba ang magbibigkis sa iyo sa hindi mo nais.” Sinabi ito ni Jesus sa pagbibigay-tanda sa paraan ng kamatayang ipanluluwalhati ni Pedro sa Diyos. At pagkatapos nito ay sinabi niya: “Sumunod ka sa akin!”
Pagninilay
“Simon, anak ni Juan, Iniibig mo ba ako?” Maitatanong ba ito ng isang taong hindi naghahangad na makatanggap ng positibong tugon? At dahil si Jesus ang nagtatanong nito, pakiramdam ko ba’y nakikiusap Siyang tumugon ako ng “OO”. Pakiwari ko ba’y kahit isang masamang tao ay tutugon, “Opo, Panginoon (sa sobrang awa sa Kanya)… iniibig kita.”
Nakalimutan na ba ni Jesus na itinatwa Siya ni Pedro? At sa kabila nito’y ibayong pagtitiwala ang ibi-nalik Niya, “Pakainin mo ang aking mga tupa.” Kamangha-mangha at napakadakila ng pagmamahal ni Jesus, ang pagmamahal ng Diyos sa tao!
Paulit-ulit ang ating pagkaka-mali. Patuloy tayong nagkakasala. Hindi natin magawang talikuran ang pagkamakasarili. At sa kabila ng lahat ng ito, nariyan pa rin si Jesus para bigyan tayo ng pag-asa, mag- alok ng bagong pagkakataon at ipaalala na hindi nagmamaliw ang kanyang pagmamahal.
“Iniibig mo ba ako?” Itinuturo ni Jesus sa pamamagitan ng sarili Niyang halimbawa na pag-ibig ang daan tungo sa pagbabagong-buhay. Hindi dapat idahilan ang ating mga kasalanan dahil handa Siyang mag-patawad. Hindi hadlang ang pagka-kamali dahil simula ito ng tamang kaalaman sa buhay. At hindi dapat iwasan o katakutan ang paghihirap dahil mabisa itong dumadalisay sa ating kaluluwa at nag-aangat sa atin sa maayos at banal na pamumuhay.
Ang tanong kay Pedro ay hamon sa atin: punuan mo ang pagkukulang ng iba. Pagmalasakitan mo ang ka-hinaan ng kapwa mo dahil tayo’y IISANG KATAWAN. Magugulat ka na ang paghilom ng sugat ng iba ay bagong lakas para sa iyo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022