Ebanghelyo: Juan 4:43-54
Pagkatapos ng dalawang araw, umalis siya roon pa Galilea. Nagpatunay nga mismo si Jesus na hindi pinararangalan ang isang propeta sa sariling bayan. Gayon pa man, pagdating niya sa Galilea, tinanggap siya ng mga Galileo dahil nasaksihan nila ang lahat ng ginawa niya sa Piyesta sa Jerusalem. Naroon nga rin sila mismo sa Piyesta. Nagpunta siyang muli sa Kana ng Galilea, doon niya ginawang alak ang tubig. At nangyari, na ang anak na lalaki ng isang opisyal ng hari ay maysakit sa Capernaum. Nang marinig niyang dumating si Jesus sa Galilea galing Judea, pinuntahan niya siya at ipinakiusap na lumusong at pagalingin ang kanyang anak na nasa bingit ng kamatayan. Kaya sinabi sa kanya ni Jesus: “Hangga’t hindi kayo nakakakita ng mga tanda at mga kababalaghan, hindi kayo maniniwala.” Sinabi naman sa kanya ng opisyal: “Lumusong kayo bago mamatay ang anak ko.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Makauuwi ka na. Buhay ang anak mo.” Naniwala ang tao sa salitang sinabi sa kanya ni Jesus at umuwi siya. At habang palusong na siya, sinalubong siya ng kanyang mga alipin at sinabing buhay ang anak niya. Inalam niya sa kanila ang oras nang magsimula siyang umigi, at sinabi nila: “Kahapon po nang ala-una ng tanghali siya inibsan ng lagnat.” Kaya nalaman ng ama na ito ang oras nang sabihin sa kanya ni Jesus: “Buhay ang anak mo.” At naniwala siya at ang buo niyang sambahayan. Ginawa ni Jesus ang ikalawang tandang ito pagkarating niya sa Galilea galing Judea.
Pagninilay
“Tayo’y nasa kamay ng Diyos.” Ang pananampalataya ay isang kaloob ng Diyos, na ipinagkakaloob sa mga nagbubukas ng puso sa kaloob na ito. Naniwala ang opisyal ng hari kay Jesus, kaya sapat na ito upang maganap ang isang himala. Gumaling ang anak niya dahil sa kapangyarihan ni Jesus, pero sinubok din ng Panginoon ang tiwala ng opisyal. Naranasan na rin ba natin na maysakit ang isa sa ating mga pamilya at dasal tayo ng dasal para sa kagalingan? Kung hindi pa nangyayari sa atin, meron siguro tayong mga kaibigan o kakilala na dumaan sa matinding sakit at humingi ng dasal sa Diyos para gumaling. Minsan gumagaling ang tao, pero minsan hindi. Mahina kaya ang ating pananalig? Kulang pa kaya ang ating dasal? Kahit mahirap sagutin ang mga tanong na ito, batid natin na ay may magandang plano ang Diyos. Nasa kanya ang kaalaman ng nakaraan, kasalukuyan at kinabukasan, alam niya kung ano ang ikabubuti sa bawat isa, sa mga mahal natin sa buhay, at sa mga may kaugnayan sa atin. Huwag nawang humina ang ating dasal kahit tila pakiramdam natin na tahimik ang Diyos, o busy sa malayong lugar. Tayo’y nasa kamay ng Diyos, na may magandang plano para sa atin.
© Copyright Pang Araw-araw 2025