Ebanghelyo: Lucas 15:1-3, 11-32
Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Tinatanggap niyan ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila: Sinabi pa rin ni Jesus: “May isang taong may dalawang anak na lalaki. Sinabi ng bunso sa kanyang ama: ‘Itay, ibigay na ninyo sa akin ang parte ko sa mana.’ At hinati sa kanila ng ama ang ari-arian. Pagkaraan ng ilang araw, tinipon ng bunsong anak ang lahat ng kanya at naglakbay sa malayong lupain. Doon niya winaldas ang sa kanya sa maluwag na pamumuhay. Nang maubos na ang lahat sa kanya, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing ’yon at nagsimula siyang maghikahos. Kaya pumunta siya at namasukan sa isang tagaroon, at inutusan siyang magalaga ng mga baboy sa bukid nito. At gusto sana niyang punuin kahit na ng kaning-baboy ang kanyang tiyan pero wala namang magbigay sa kanya. Noon siya natauhan at nag-isip: ‘Gaano karaming arawan sa bahay ng aking ama na labislabis ang pagkain at namamatay naman ako dito sa gutom. Titindig ako, pupunta sa aking ama, at sasabihin ko sa kanya: ‘Itay, nagkasala ako laban sa langit at sa harap mo. Hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo; ituring mo na akong isa sa iyong mga arawan.’ Kaya tumindig siya papunta sa kanyang ama. Malayo pa siya nang matanaw ng kanyang ama at naawa ito, patakbo nitong sinalubong ang anak, niyakap at hinalikan. Sinabi sa kanya ng anak: ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa harap mo; hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo.’ Pero sinabi ng ama sa kanyang mga utusan: ‘Madali, dalhin ninyo ang dati niyang damit at ibihis sa kanya; suutan ninyo ng sinsing ang kanyang daliri at ng sapatos ang kanyang mga paa. Dalhin at katayin ang pinatabang guya, kumain tayo at magsaya sapagkat namatay na ang anak kong ito at nabuhay, nawala at natagpuan.’ At nagsimula silang magdiwang. Nasa bukid noon ang panganay na anak. Nang pauwi na siya at malapit na sa bahay, narinig niya ang tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isa sa mga utusan at tinanong kung ano ang nangyari. Sinabi nito sa kanya: ‘Nagbalik ang kapatid mo kaya ipinapatay ng iyong ama ang pinatabang guya dahil nabawi niya siyang buhay at di naano.’ Nagalit ang panganay at ayaw pumasok kaya lumabas ang ama at nakiusap sa kanya. Sumagot naman siya sa ama: ‘Maraming taon na akong nagsisilbi sa inyo at kailanma’y di ko nilabag ang inyong mga utos pero kailanma’y di ninyo ako binigyan ng kahit na isang kambing na mapagpipiyestahan namin ng aking mga kabarkada. Ngunit dumating lamang ang anak ninyong ito na lumustay sa inyong kayamanan sa mga babaeng bayaran, at ipinakatay pa ninyo ang pinatabang guya.’ Sinabi sa kanya ng ama: ‘Anak, lagi kitang kasama at sa iyo rin ang lahat ng akin. Pero dapat lamang na magdiwang at magsaya dahil namatay na ang kapatid mo at nabuhay, nawala at natagpuan’.”
Pagninilay
“Ang kuwaresma ay panahon ng kapatawaran at paghilom.” Panahon ng pagbabago ang kuwaresma. Taon-taon binibigyan tayo ng Diyos ng isang espesyal na panahon para sa pagsusuri ng budhi, paghihingi ng tawad sa Diyos at sa ating kapwa, at para sa paglapit sa sakramento ng pangungumpisal. Tuwing ako’y yumuyuko sa tapat ng pari, sinisimulan ko ang aking pangungumpisal sa pagsasabi: “Padre, patawarin ninyo ako sapagkat ako’y nagkasala…”. Nilalagay ko noon ang sarili ko sa alibughang anak na nagsusumamo sa kanyang ama: “Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa harap mo…” Masarap sa damdamin na ramdam ko ang kamay sa ulo, na parang kamay ng Diyos Ama ang kamay ng pari, na tumatanggap sa akin muli sa Tahanan. Sa talinhaga, naranasan ng ama ang awa pagkakita sa malayo pa lang ang kanyang anak na bumabalik. Patakbo nitong sinalubong ang anak, niyakap at hinalikan. Makikita natin sa madramang pangyayari, kung paanong hinihintay ng Diyos ang ating pagbabalik-loob. Nawa, kaya rin nating makaramdam ang awa sa mga taong gumagawa ng mali sa atin. Hindi madalas na ang nagkasala sa atin ay humihingi ng tawad. Gayun pa man, nawa’y maging malambot ang puso natin at magpatawad na wala nang sama ng loob. Kapag hindi hihingi ng sorry o dispensa ang taong nagkamali sa atin, ipagdasal natin siya. Darating ang panahon kung kailan makikita rin niya ang mali sa sarili. Ang kuwaresma ay panahon ng kapatawaran at paghilom ng mga nabaling kaugnayan. Sa halimbawa ng anak, magbalik tayo sa Tahanan, at sa halimbawa ng Ama, magkaroon din sana tayo ng awa.
© Copyright Pang Araw-araw 2025