Ebanghelyo: Mateo 26:14-25
At pumunta sa mga punong-pari ang isa sa Labindalawa, ang tinatawag na Judas Iskariote, at sinabi: “Magkano ang ibibigay ninyo sa akin kung ibibigay ko siya sa inyo?” Inalok nila ito ng tatlumpung baryang pilak, at mula noon, naghanap ito ng pagkakataong maipagkanulo siya.
Sa unang araw ng Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura, lumapit kay Jesus ang mga alagad at sinabi sa kanya: “Saan mo kami gustong maghanda ng Hapunang Pampaskuwa para sa iyo?” Sumagot si Jesus: “Puntahan ninyo ang lalaking ito sa lunsod at sabihin sa kanya: ‘Sinasabi ng Guro: malapit na ang oras ko at sa bahay mo ako magdiriwang ng Paskuwa kasama ng aking mga alagad’.”
At ginawa ng mga alagad ang lahat ng iniutos ni Jesus at inihanda ang Paskuwa. Pagkalubog ng araw, nasa hapag si Jesus kasama ng Labindalawa. Habang kumakain sila, sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Lubha silang nalungkot at nagtanong ang bawat isa: “Ako ba, Panginoon?”
Sumagot siya: “Ang kasabay kong nagsawsaw ng tinapay sa plato ang magkakanulo sa akin.
Patuloy sa kanyang daan ang Anak ng Tao ayon sa isinulat tungkol sa kanya ngunit kawawa ang nagkakanulo sa Anak ng Tao; mas mabuti pa para sa taong ito kung hindi na siya ipinanganak pa.” Nagtanong din si Judas na magkakanulo sa kanya: “Ako ba, Guro?” Sumagot si Jesus: “Ikaw na ang nagsabi.”
Pagninilay
Katapatan ang isa sa hinahanap natin sa isang relasyon. Hindi mahirap unawain kung bakit mahirap sa isang tao ang ibalik ang kanyang tiwala sa isang taong hindi naging matapat sa kanya. Binibigyang lamat ng pagtataksil ang ano mang uri ng relasyon. Masakit na tayo’y ipagkanulo ng isang kaibigan. Marahil ay ito rin ang nadarama ni Jesus nang gabing iyon na siya’y ipinagkanulo. “Ako ba, Panginoon?” Sa panahong ito ng Semana Santa, mainam na pagnilayan natin ang ating mga sarili at alalahanin ang mga pagkakataong hindi tayo naging matapat sa Panginoon; mga sandaling ipinagpalit natin siya sa baryang pilak, mga makamundong bagay na naglalayo sa atin sa kanya. At sa ating pagsisisi, magsisimula ang paghilom at pagbabago.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021