Ebanghelyo: Juan 13:21-33, 36-38
Nabagabag ang kalooban ni Jesus, at nagpatunay: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Nagtinginan ang mga alagad at pinagtatakhan kung sino ang tinutukoy niya. Nakahilig sa tabi ni Jesus ang isa sa kanyang mga alagad, ang mahal ni Jesus. Kaya tinanguan nito ni Simon Pedro para usisain si Jesus kung sino ang kanyang tinutukoy.
Kaya paghilig niya sa tabi ni Jesus, sinabi niya sa kanya: “Panginoon, sino ba iyon?” Sumagot si Jesus: “Siya iyong ipagsasawsaw ko ng kapirasong tinapay at siya kong bibigyan.” At pagkasawsaw ng kapirasong tinapay, ibinigay niya iyon kay Judas, anak ni Simon Iskariote. Kasunod ng kapirasong ito, pumasok sa kanya si Satanas. Kaya sinabi sa kanya ni Jesus: “Magmadali ka sa gagawin mo.”
Sa mga nakahilig sa hapag, walang nakaunawa kung ba’t sinabi niya iyon sa kanya. Dahil nakay Judas ang bulsa, inakala ng ilan sa sinasabi sa kanya ni Jesus: “Bumili ka ng mga kailangan natin para sa Piyesta,” o kaya’y mag-abuloy sa mga dukha.
Kaya pagkakuha niya sa kapirasong tinapay, agad siyang lumabas. Gabi noon.
Pagkalabas ni Judas, sinabi ni Jesus: “Niluwalhati na ngayon ang Anak ng Tao, at niluwalhati rin sa kanya ang Diyos. At agad naman siyang luluwalhatiin ng Diyos sa sarili nito.
Mga munting anak, sandali na lamang n’yo akong kasama. Hahanapin ninyo ako at gaya ng sinabi ko sa mga Judio, sinasabi ko rin sa inyo ngayon, ‘Kung saan ako papunta, hindi kayo makaparoroon.’
Sinabi sa kanya ni Simon Pedro: “Panginoon, saan ka papunta?” Sumagot si Jesus: “Hindi ka makasusunod ngayon sa akin saan ako papunta; susunod ka pagkatapos.” Winika sa kanya ni Pedro: “Panginoon, bakit hindi ako makasusunod sa iyo ngayon? Iaalay ko ang aking buhay alang-alang sa iyo.” Sumagot si Jesus: “Iaalay mo ang buhay mo alang-alang sa akin? Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, hindinghindi titilaok ang tandang hanggang makaitlo mo akong maitatuwa.”
Pagninilay
Ilang beses na nga rin ba tayong nangako sa Panginoon na hindi na muling magkakasala. Ilang beses na nga ba tayong nagwika na hindi na muling uulitin ang maling nagawa? Ilang beses din tayong nagpahayag ng kagustuhang magbago. Tulad ni Pedro at Judas Iscariote, alam ni Jesus ang ating mga kahinaan. Batid niya na tayo’y masisilaw, manghihina at madarapa. Sa mga panahong ito lalong higit na kailangan natin ang kanyang biyaya upang tayo’y maging malakas at matatag sa harap ng mga tentasyon. At kung sakali mang madapa muli tayo, alalahanin natin ang kinahantungan ng dalawa sa kanyang mga alagad: ang isa’y nawalan ng pag-asa at kinitil ang buhay at isa nama’y hinarap ang kasalanan, naging bukas sa pagtanggap sa pagpapatawad at muling nagbagong buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021