Ebanghelyo: Lucas 18:9-14
Sinabi rin ni Jesus ang talinhagang ito tungkol sa ilang taong kumbinsido na mabuti sila at minamata naman ang iba: “Dalawang tao ang umakyat sa Templo para manalangin: Pariseo ang isa at publikano naman ang isa pa. Nakatayong nananalanging mag-isa ang Pariseo. Sinabi niya: ‘O Diyos, salamat at hindi ako gaya ng ibang mga tao mga magnanakaw, mandaraya, nakikiapid, o gaya ng kolektor ng buwis na iyan. Dalawang beses akong nag-aayuno isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat kong ari-arian.’ Nasa likuran naman ang kolektor ng buwis at hindi man lang makatingala sa langit. Dinadagukan niya ang dibdib sa pagsasabing ‘O Diyos, kaawaan mo ako na isang makasalanan.’ Sinasabi ko sa inyo na ito ang umuwing nasa grasya ng Diyos ngunit hindi ang isa. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas naman ang nagpapakababa.”
Pagninilay
“Hindi makita sa kanila ang pag-ibig sa Diyos.” Nagbabala si Jesus laban sa ipinapakita ng mga Pariseo: sila ay mga pinuno sa relihiyon, pero sarili lamang ang kanilang inaalala, hindi makita sa kanila ang pag-ibig sa Diyos at ang malasakit sa kapwa. Hindi ba ang relihiyon ay dapat makatulong sa tao na makinig sa tinig ng Diyos at maging sensitibo sa pangangailangan ng kapwa? Nakakalungkot marinig na may mga taong lumalayo sa Simbahan ng dahil mismo sa hindi maganda nilang karanasan mula sa mga tinatawag nating “taong simbahan”. Paano kaya maiwasan ang pagiging Pariseo? Paano kaya natin maiiwasang gamitin ang relihiyon para sa ating mga pansariling kapakanan? Kinakasangkapan ba natin ang relihiyon upang maghangad ng katanyagan, kapangyarihan, kayaman at komportableng buhay? Kung ganun, hindi tayo nalalayo sa maka-pariseong gawi. Nawa’y sumaatin ang espiritu ng kolektor ng buwis, na alam niyang makasalanan siya, ngunit nais magbago at humihingi ng tawad sa Panginoon.
© Copyright Pang Araw-araw 2025