Ebanghelyo: Juan 12:1-11
Anim na araw bago mag-Paskuwa, pumunta si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro na pinabangon ni Jesus mula sa mga patay. Kaya naghanda sila roon ng hapunan para sa kanya. Nagsilbi si Marta at kabilang naman sa mga kasalo niya ay si Lazaro.
Kinuha si Maria ang isang librang mamahaling pabangong mula sa purong nardo at pinahiran ang mga paa ni Jesus at pinunasan ng kanyang buhok ang mga paa niya. At napuno ng halimuyak ng pabango ang pamamahay.
Sinabi ni Judas Iskariote na isa sa kanyang mga alagad na siyang magkakanulo sa kanya: “Ano’t di ipinagbili nang tatlundaang denaryo ang pabangong ito para maibigay sa mga dukha.” Sinabi niya ito hindi dahil may malasakit siya sa mga dukha kundi dahil magnanakaw siya; nasa kanya ang bulsa ng pananalapi at nangungupit siya sa inilalagay doon.
Kaya sinabi ni Jesus: “Pabayaan mo siya’t inilaan niya ito para sa araw ng paglilibing sa akin. Kasama ninyong lagi ang mga dukha ngunit hindi n’yo ako laging kasama.”
Marami sa mga Judio ang nakaalam na naroon siya. At dumating sila hindi dahil lamang kay Jesus kundi para makita si Lazaro na pinabangon niya mula sa mga patay.
Pinag-usapan naman ng mga punong-pari ang pagpatay pati na kay Lazaro, pagkat marami sa mga Judio ang lumilisan dahil sa kanya at nananalig kay Jesus.
Pagninilay
Sa nalalapit na pagpapakasakit at kamatayan ni Jesus, minabuti niyang magtungo muna sa Betania. Naroroon ang kanyang mga malalapit na kaibigan, ang magkakapatid na Martha, Maria at Lazaro. Sa oras ng kalungkutan, pangamba at paghihinagpis, tila isang malilom na puno na nagbibigay kapahingahan ang mga kaibigan. Pinagsilbihan sya ni Martha. Nakisalo sa kanya si Lazaro. Pinahiran ni Maria ng pabango ang kanyang mga paa. Taliwas ito sa ipinakita ni Judas na nagkunyaring may malasakit sa mga dukha. Sa panahon ng nalalapit na pagdurusa, kailangan natin ng mga kaibigang makakasama. Kaya ba nating ibigay kay Jesus ang pagkakaibigang iyon? Tandaan nating nauna na niya tayong itinuring na mga kaibigan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021