Ebanghelyo: Marcos 12:28-34
May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo nila. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Jesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Jesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?” Sumagot si Jesus na “Ito ang una: Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong ating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang buo mong pag-iisip at nang buo mong lakas. At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa mga ito.” Kaya sinabi ng guro ng Batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa kanya. At ang mahalin siya nang buong puso at nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarili ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.” Nakita ni Jesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong sa kanya.
Pagninilay
“Ang pinakamahalagang utos.” Nabibilang sa 613 ang mga utos na sinusubukang sundin ang mga Hudyo noong kapanahunan ni Jesus. Nanggagaling ang mga ito sa Pentateuko, na kanilang tinatawag na Torah, at talagang mahirap kabisaduhin ang bawat isa. Hindi na tayo magtataka kung nais nilang malaman kung alin sa mga ito ang pinakamahalaga. “Alin ang pinakamahalagang utos” ang itinanong kay Jesus. Alam na natin ang sagot. Madali lang tandaan at banggitin. Mahirap man tandaan at sundin ang 613 utos, sumunod man lang tayo sa mga binanggit ni Jesus, sapat na. Ang pag-ibig sa Diyos at ang pag-ibig sa kapwa ay iisa, parang “tao” at “ibon” ng isang salapi: magkaiba ito pero hindi maihihiwalay. Makikita ang pagibig natin sa Diyos sa pakikitungo sa ating kapwa; at magiging lubos ang pag-ibig sa kapwa, sa pakikinig at pagsunod sa tinig ng Diyos. Kaya, madali lang tandaan, ibigin natin ang Diyos, at mahalin din natin ang ating kapwa.
© Copyright Pang Araw-araw 2025